Nakatuon ngayon sa full restoration ng kuryente ang National Electrification Administration (NEA) matapos maapektuhan ang tinatayang 180,000 consumer connections dahil sa pananalasa ng Bagyong Maymay at masamang panahon dala ng habagat.
Ayon sa ahensiya, ilang lalawigan sa Luzon ang nakaranas ng pagkawala ng suplay ng kuryente dahil sa mga nasirang linya.
Kabilang sa mga pangunahing electric cooperatives (ECs) na naapektuhan ay ang Benguet Electric Cooperative (BENECO), PELCO II sa Pampanga, ZAMECO II sa Zambales, BATELEC I at II sa Batangas, at ORMECO sa Oriental Mindoro.
Bilang tugon, agad na nag-deploy ng mga karagdagang line worker ang mga electric cooperative sa mga apektadong lugar.
Mayroon ding nakahandang ‘Task Force Kapatid’ mula sa mga electric cooperative na hindi gaanong tinamaan ng kalamidad para tumulong sa mabilis na pagkukumpuni ng mga nasirang linya.
Naglalabas din ang pamahalaan ng calamity assistance para sa mga electric cooperative na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga nasirang distribution lines.
Inaasahan ng NEA na maibabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar sa loob ng linggong ito.
Gayunman, hamon pa rin ang mga landslide at pagbaha sa ilang lugar na nagpapabagal sa pagpasok ng mga line crew.
Sa kasalukuyan, nasa 7,000 consumer connections na lamang sa ilalim ng BENECO at ORMECO ang kasalukuyang isinasailalim sa restoration works.
Bilang paghahanda naman sa mga susunod na kalamidad, binigyang-diin ng NEA na patuloy silang nagsasagawa ng ‘Vulnerability and Risk Assessment.’
Sinusuri nito ang mga distribution lines at critical assets upang matukoy kung ang mga ito ay nasa panganib ng mga natural hazard.
