2024 annual budget ng Dagupan City, pasado na

2024 annual budget ng Dagupan City, pasado na

MARAMING mga programa ang inaasahang maisasagawa ni Mayor Belen Fernandez ngayong taon, matapos maipasa na ang 2024 annual budget ng Dagupan City ngayong buwan ng Marso.

Buwan ng Oktubre taong 2023 pa isinumite sa Sangguniang Panlunsod ang proposed budget for 2024 ng lokal na pamahalaan ng Dagupan.

Sa isang pulong balitaan, pinasalamatan ni Mayor Belen si Vice Mayor BK Kua at mga konsehal sa suporta na ibinibigay ng mga ito sa kaniyang administrasyon.

Ani Mayor Belen, sagot ito sa kanilang dasal at magtutuluy-tuloy na ang paghahatid ng programa at serbisyo sa mga Dagupeño.

“Our prayers are answered, alam niyo, alam natin na napakaraming magulang, more than four thousand parents are praying for the approval of the budget para ang mga anak ninyo ay makatapos. Hindi lang po ‘yung ah, pati ‘yung makukulit na empleyado ngayong palagay ko nakangiti, dahil ang mga job order employees tuloy na ang mga salary increase niyo,” ayon kay Mayor Belen Fernandez, Dagupan.

Kabilang sa mga magagawa ng programa ng lungsod ay ang ₱200-M para sa 5-K kapus-palad na Dagupeñong estudyante, salary/allowance increase para sa mga job order employees, BSPO, brgy. nurse, BHWS, tanod, brgy. librarian, day care workers, BNS, suweldo ng mga empleyado, flood mitigation projects para sa kalsada, drainage ng 31 barangay.

Kasama rito ang pondong preparasyon sa kalamidad (urgent), pondong solusyon sa 60-taong krisis sa basura, school buildings, social services kasama na ang ayuda at iba’t ibang programa at proyektong nasimulan na sana pagpasok ng taong 2024.

Nagpaabot naman ng mensahe si Councilor Michael Fernandez at Vice Mayor BK Kua sa mga taga-Dagupeño dahil sa tagumpay na ito.

“Nagpapasalamat po tayo, unang-una sa Panginoon na nabigyan tayo ng pagkakataon na ipaglaban ang budget ng taumbayan. And last year, noong sinumite ni Mayor Belen Fernandez sa Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Bryan Kua, medyo talagang pinapawisan po kami kasi lima lang kaming councilor dahil natutunan na po naming pagdating ho sa local governance, especially good governance, hindi talaga tayo, ‘yung pagsuko hindi talaga option,” saad ni Hon. Michael Fernandez, Councilor, Dagupan City.

“Sa wakas no, ay naipasa na po ang ating budget, gaya po ng aking palaging sinasabi na sa huli, kabutihan po ang laging magwawagi,” saad naman ni Hon. Dean Bryan Kua, Vice Mayor, Dagupan City.

Inaasahan na sa susunod na mga panahon ay mas lalong mararamdaman ng mga Dagupeño ang serbisyo ng pamahalaan dahil na rin sa naipasang pondo para dito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter