3 driver positibo sa random drug test sa PITX sa unang araw ng Semana Santa

3 driver positibo sa random drug test sa PITX sa unang araw ng Semana Santa

Nagsagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng surprise random drug test sa mga bus driver at conductor sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong araw.

Mahigit isang daang bus driver at conductor sa PITX ang sumailalim sa unannounced drug test.

Pinangunahan ito ng LTO, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at iba pang ahensya.

Ayon kay Allan Nobleza ng Law Enforcement Service ng LTO, hindi alam ng mga driver at conductor ang pagsusuri bago sila dumating sa terminal.

Ngunit required ito bago sila payagang bumiyahe.

Gumamit ang LTO ng 200 test kits para sa random drug test.

Sakop nito ang mga biyaheng patungong Visayas, Mindanao, at Bicol Region.

Layunin nitong masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero.

“This is a yearly activity conducted by LTO. Meron tayo ditong 200 test kits para mag-conduct tayo ng random unannounced drug test doon sa mga drivers at conductors para masiguro natin yung kaayusan at katiwasayan ng ating mananakay,’’ ayon kay Allan Nobleza Law Enforcement Service Office of Chief Asec. Markus Lacanilao, LTO.

Sa huling tala, 146 ang nag-negative sa drug test.

Tatlo naman ang nag-positive sa initial screening.

Hindi na pinayagang bumiyahe ang mga nag-positive.

Kinumpiska rin ang kanilang driver’s license.

Kapag nag-positive din sa confirmatory test, posibleng i-revoke ang kanilang lisensya.

Maaari rin silang patawan ng administrative violation.

“Siyempre, ina-apply natin yung batas Republic Act 10586 doon sa Anti-Drug Driving Act law. Siyempre, ang driver hindi natin in-allow na magbiyahe. Yung driver na yun, kinukumpiska ang driver’s license at mag-uundergo siya ng proper inquest proceedings, kasama ang Philippine National Police,’’ saad ni Nobleza.

Samantala, ilan sa mga driver ang pumabor sa isinagawang drug test.

“Para sa akin po mas okay yung ganito para ligtas sa biyahe, yung mga gumagamit kasi biglang nalolobat po iyon, biglang mawawalan ng malay nun, siyempre anong mangyayari sa mga pasahero mo?” ani Reynita Tamayo, Bus Driver.

“Kasi nararapat lamang po kasi yan ay batas na dapat natin sundin, wala tayong masasabi niyan dapat kailangan yan tulad sa mga driver,’’ saad ni Ronilo Guadalupe, Bus Driver, Biyaheng Eastern Samar.

“Para sa aking maganda, pabor din yan sa amin, kaligtasan, kasiguruhan din ng mga pasahero para hindi mag-alangan ang mga pasahero sumakay sa driver na negative na drug test,’’ ani Orlando Adao Bus Driver.

Patuloy ang pagsasagawa ng random drug test sa PITX.

Kasabay ito ng patuloy na pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble