75% capacity sa mga pampublikong sasakyan, handang ipatupad

HANDA na ang Department of Transportation (DOTr) na palawigin ang passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan mula 50% hanggang 75%.

Ayon sa DOTr, ang mungkahi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na palawakin ang kapasidad sa mga public transports ay ipatutupad agad sa panahong aprubhan ito ng  Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease.

Dagdag ng ahensiya na ipapaubya nila ang proposal ng NEDA sa evaluation ng IATF na siyang nangunguna sa pagbuo ng mga protocols  sa panahong ito na may pandemic.

Anuman ang desisyon ng IATF ani ng ahensiya sa pagpalawig sa passenger capacity, ipapatupad pa rin ang striktong health protocols sa mga pampublikong sasakyan at mga pasilidad tulad ng mga terminals ito ay para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Kaya naman muling nagpaalala ang Department of Transportation sa 7 commandments na kailangang sundin ng mga pasahero, drayber at operator ng mga pampublikong transportasyon.

  1. Magsuot ng face mask at face shield;
  2. Bawal ang pagsasalita, pakikipag-usap o pagsagot ng telepono;
  3. Bawal kumain;
  4. Kailangang may sapat na ventilation;
  5. Kailangang may frequent disinfection;
  6. Bawal magsakay ng symptomatic passenger;
  7. Kinakailangang sumunod sa appropriate physical distancing

Matatandaang inirekomenda noong Miyerkules ni NEDA Director-General Karl Chua kay Pangulong Rodrigo Duterte na palawakin ang kapasidad ng mga pasahero  sa mga public transport hanggang 75%.

Ito aniya ay para marami pang tao ang makabalik sa trabaho at masuportahan ang economic recovery ng bansa.

Maliban sa 75% passenger capacity, inirekomenda rin ng National Economic and Development Authority na luwagan ang quarantine status ng bansa at isailalim ito sa MGCQ sa Marso.

Sinabi ni NEDA Director-General Karl Chua noong Marso nakaraang taon na maraming negosyo ang nagsara dahil sa mahigpit na lockdown na ipinatutupad ng gobyerno.

Dahil dito ay nasa kabuuang P1.04 trilyon ang nawala sa ekonomiya ng bansa noong 2020.

SMNI NEWS