DOT Central Visayas, ibinida ang mga programa at hakbangin para mapaunlad ang turismo sa rehiyon

DOT Central Visayas, ibinida ang mga programa at hakbangin para mapaunlad ang turismo sa rehiyon

BINIGYANG-diin ni Department of Tourism Region 7 (DOT-7) Chief Tourism Operations Officer Judy Gabato ang mga pagsisikap na ginawa ng ahensiya na makakapagbigay ng malaking ginhawa sa mga dayuhang bumibista sa bansa.

Tulad na lang ng pagpapabuti ng mga kalsada patungo sa mga tourist destination, pagbibigay ng libreng Wi-Fi access sa mga turista, pagtatayo ng mga tourist rest area, at iba pa.

Ayon kay Gabato, taong 2022 hanggang 2024 naglaan ng P6.3-B para sa pagpapabuti ng mga kalsada sa Central Visayas katuwang ang Department of Public Works and Highway (DPWH) sa ilalim ng convergence program.

Samantala, patuloy na nakipagtulungan ang DOT sa Department of Information and Communication Technology (DICT) para sa paglalagay ng mga libreng Wi-Fi facility sa ilang tourist spots partikular sa hilagang bahagi ng probinsiya ng Cebu.

Bukod pa riyan, ipinagkaloob na rin ng ahensiya ang limang tourist rest area sa bayan ng Dauis sa Bohol, at sa mga munisipalidad ng Medellin, Carmen, Carcar City, at Moalboal sa Cebu.

Samantala, napagtibay rin ng DOT-7 ang pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs), sa pagbuo ng kani-kanilang local tourism development plans upang masiguro ang seguridad sa turismo at maihandog ang multidimensional experience sa mga bumibisita sa kanilang mga lugar.

Ayon pa kay Gabato, ang pagtaas ng bilang ng mga flight sa nakalipas na ilang taon ay nagpapahiwatig ng patuloy na pagbangon ng sektor ng turismo sa rehiyon.

Nasa 1,836 weekly flights ang naitala sa Mactan Cebu International Airport, kung saan 1,470 domestic flights at 366 international flights.

NIR hindi makakaapekto sa tourismo sa Central Visayas

Samantala, sa usaping maapektuhan nga ba ang turismo sa Central Visayas sa paglikha ngayon ng Negros Island Region na siyang maghihiwalay sa Negros Oriental kabilang ang isla ng Siquijor, ito ang tugon ni Gabato.

“But to complement, the beautiful island of Negros and Siquijor will always be part…lahat ng destinasyon sa Pilipinas, pantay-pantay nating i-promote,” ayon kay Judy Gabato – Chief Tourism Operations Officer, DOT 7.

Para sa DOT-7, mahalagang ipagpatuloy ang pagbuo ng mga tourism sites, hindi lamang sa Central Visayas, kundi sa iba pang bahagi ng Pilipinas, dahil malaki ang kontribusyon ng turismo sa ekonomiya ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble