AYAW nang patulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paratang na fake clash ang dahilan ng pagkamatay ng top New People’s Army (NPA) leader na si Jorge ‘Ka Oris’ Madlos.
Nanindigan ang militar na lehitimong encounter ang nangyari kaya napatay ang nasabing to NPA rebel.
Taliwas ito sa kwento ni Myrna Sularte, asawa ni Ka Oris na isang ambush ang naganap kung saan walang bitbit na armas ang dalawang rebelde.
Ayon kay Philippine Army 4ID commanding officer MGen Romeo Brawner, hindi mandato ng AFP ang mang-ambush lalo sa walang kalaban laban na tao at labag din aniya ito sa International Humanitarian Law.
“Accordingly it was signed by Maria Malaya, hindi totoo ‘yung nangyaring encounter and they are in fact saying that…is ambushed while on his way to a medical checkup. Alam niyo po, the Armed Forces of the Philippines respects International Humanitarian Law and we are not in the business of ambushing unarmed combatants especially if they are riding on a motorcycle. Hindi po gawain of the Armed Forces of the Philippines ‘yan. Wala tayong narinig ever na ginawa ng AFP na nag-ambush ng NPA na nakasakay sa motor,” pahayag ni Brawner.
Sa katunayan aniya, ang NPA ang tanging gumagawa ng pag-ambush sa mga inosenteng sibilyan at isa na dito ang sinapit ng biktimang si Kieth Absalon sa Masbate.
“Kabaligtaran. Sila ang nag-aambush ng mga nakasakay sa bisikleta. Si Kieth Absalon was riding with his uncle by bicycle at inambush ‘yan ng NPA using landmine. So, we expected this response from them pero hindi na po namin papatulan ito,” dagdag ni Brawner.
Nauna nang sinabi ng AFP na nasawi sa engkwentro ang mataas na leader ng New People’s Army (NPA) na si Jorge Madlos alyas “Ka Oris”.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala, inaasahan na nila ang gagawing “misdirection” o panlilito ng NPA sa pagkamatay ni Ka Oris lalo pa’t malaking dagok sa kanila ang pagkasawi nito.
