PUMALAG ang isang Department of Agriculture (DA) official matapos itong maidawit bilang protector sa agri smuggling base sa lumabas na Senate Committee Report.
Ayon kay DA Usec. Ariel Cayanan, baseless ang akusasyon laban sa kaniya at kwesyonable aniya ang timing ng paglalabas ng naturang report.
Para naman kay neophyte Senator Robin Padilla, kung ang findings ay dumaan na sa NBI at napatunayang totoo dapat mag-resign ang mga opisyal na dawit sa smuggling.
Kamakailan nang pinangalanan ng Senate Committee report ang mga matataas na opisyal ng gobyerno na diumano’y dawit sa big–time smuggling sa bansa.
Matatandaan na apat na pagdinig ang ginawa ng Senate Committee of the Whole laban dito.
Sa validated list na natanggap ni outgoing Senate President Tito Sotto III na nakapaloob sa Committee Report, 22 na mga opisiyal ng gobyerno ang pinangalanan na smuggler o protector ng naturang iligal na aktibidad.
Kabilang sa mga ito ay sina:
- Bureau of Customs (BOC) Chief Rey Leonardo Guerrero
- Department of Agriculture (DA) Undersecretary Ariel Cayanan
- Customs Deputy Commissioner for Intelligence Group Raniel Ramiro
- Customs Deputy Commissioner Vener Baquiran ng Customs Revenue Collection Monitoring Group
- Director Geofrey Tacio ng Customs Intelligence and Investigation Service
- Yasser Abbas ng Customs Import and Assessment
- Bureau of Plant and Industry (BPI) Director George Culaste
- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Eduardo Gongona
- Laarni Roxas ng BPI Plant Quarantine Services Division Region 3
- Mayor Toby Tiangco
- Mayor Jun Diamante
- Gerry Teves
- Manuel Tan
- Jude Logarta
- David Tan
- Leah Cruz
- Andy Chua
- George Tan
- David Bangayan
- Paul Teves
- Tommy Go
- Wilson Chua
Ang nasabing committee report ay pirmado ng 17 senador.
Pumalag naman si Cayanan sa report kung saan isa ang pangalan niya sa nakalista.
Wala aniya itong basehan at hindi aniya siya naimbita sa anumang House o Senate hearing na may kinalaman sa agri smuggling.
Kwestyonable rin aniya ang timing ng pagkakalabas ng intel report gayong isa siyang kandidato para maging DA Secretary para sa papasok na administrasyon bago pa ang anunsyo ni President-elect Bongbong Marcos, Jr. na ito ang hahawak ng DA.
“Alam naman po nating umugong yong pangalan po natin, hindi naman po tayo nag-aplay, pero maraming nagsasabi na candidate potential po tayo maging secretary ng Agriculture, until nag-announce nga po ang ating pangulo na nakita po niya na talagang prayoridad ang agriculture which is welcome development siya raw po ang magiging secretary,” pahayag ni Cayanan.
“May initial reaction na bigla eh kasi walang bases eh, number one, I was never invited nor attended any of related Congress or Senate hearing meaning wala ako doon at hindi ako naimbitahan,” dagdag ni Cayanan.
Imposible rin daw na isa siyang protector ng agri smuggling gayong siya raw ang nakabisto sa mga container vans na may lamang smuggled na produckto noong mga nakaraang taon.
“Noong panahon po ni Secretary Piñol, ang inyo pong lingkod pwede niyo po i-check ang nakapagpahuli ng mahigit pong 44 containers ng mga smuggled onion kasama po si Commissioner Lapeña noon and the rest sunod sunod na pong nakahuli ang DTI at tumigil po ‘yang smuggling at nitong mga nakaraang taon po nagkaroon na naman ng panibagong problema. Itong pong time na ‘to wala naman po akong direct or function, what we call authority over quarantine in particular at saka para sa doon sa DTI regulatory in general,” ayon pa ni Cayanan.
Para kay Senator Nancy Binay, mayroong failure of intelligence nang maisama sa listahan ang pangalan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco sa committee report.
Aniya napakaimposible na dawit sa smuggling at maging protector ang alkalde gayong napaka-vocal nito patungkol sa smuggling.
Personal daw na kilala ng senadora si Tiangco at ito raw mismo ang sumulat sa DA noon para i-report ang smuggling sa entry points ng Navotas.
“Sa mga nangyayaring milagro doon sa mga entry points sa Navotas, si Mayor mismo ang sumulat sa DA para i-report ang smuggling—pero dedma lang ang DA. Ang city government na mismo ang nag-file ng mga kaso sa DOJ laban sa smugglers dahil nga parang walang pakialam ang DA. So, ganito na ba ang intel natin—all of a sudden we turn the table against the whistleblower?” kuwestyon ni Binay.
Ayon naman kay neophyte Senator Robin Padilla, kung mapapatunayan ng mga awtoridad na sila nga ay dawit sa big time smuggling ay dapat aniyang mag-resign ang mga ito.
Ayon pa sa committee report, aabot sa ₱667.5-million ang kabuuang halaga ng smuggled agri-products mula 2019–2022.