Apela ng Pilipinas sa ICC Appeals of Chamber kaugnay sa imbestigasyon sa drug war, ibinasura

Apela ng Pilipinas sa ICC Appeals of Chamber kaugnay sa imbestigasyon sa drug war, ibinasura

HINDI kinatigan ng International Criminal Court (ICC) Appeals of Chamber ang apela ng gobyerno hinggil sa drug war probe.

Alas-kwatro ng hapon sa Pilipinas nang lumabas ang hindi paborableng desisyon ng ICC Appeals Chamber.

Sa desisyon ng majority ng chamber, hindi kinatigan ang apela ng gobyerno laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC Prosecutors sa drug war ng bansa.

Hindi kinatigan ng chamber ang apat na argumento na inilatag ng gobyerno kung saan isa sa mga ito ay ang kawalan ng hurisdiksiyon ng ICC sa bansa para gawin ang imbestigasyon.

Dalawa lamang ang tumutol kasama na ang presiding judge.

Matatandaang Setyembre 15, 2021, nang pinayagan ng chamber ang ICC Prosecutors na imbestigahan ang drug war ng bansa.

Nobyembre 18, 2021 nang hilingin ng Philippine government na ma-defer ito.

Hunyo 24, 2022 nang hilingin ng ICC Prosecutors sa chamber ang resumption ng probe.

Enero 26, 2023 nang payagan ng ICC Chamber I ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC Prosecutors

Pebrero 23, 2023, nang ihain ng Philippine government ang notice of appeal laban sa desisyon ng ICC Chamber 01.

Ang Department of Justice (DOJ) bago pa ang paglabas ng desisyon ay nanindigan na hindi apektado dito ang bansa.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi papayagan ng gobyerno na makapasok ang ICC para mag-imbestiga.

Hindi rin tatalima ang bansa kahit pa magpalabas ng warrant of arrest ang ICC.

Naniniwala rin ang kalihim na dahil lamang sa pulitika kaya umakyat sa international court ang isyu sa drug probe.

Kung meron aniya silang gustong panagutin dito, ay magpresenta sila ng ebidensiya.

Hirit ngayon ni Remulla sa ICC, respetuhin ang soberanya ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter