Bagong Silang High School, inulan ng reklamo dahil sa kalituhan

Bagong Silang High School, inulan ng reklamo dahil sa kalituhan

KARAMIHAN sa mga botanteng senior citizen sa Bagong Silang High School, Caloocan City, ang nagreklamo dahil hindi pa man nagbubukas ang nasabing eskwelahan, ay matiyaga na silang nag-aantay para maagang makaboto sa oras ng alas singko ng umaga.

Madaling-araw pa lamang, dumating na ang mga botante kabilang na ang mga senior citizen, mga may kapansanan, at mga buntis na kababaihan sa pag-aakalang maaari silang bumoto ng alas-5 ng umaga.

Subalit labis ang kanilang pagkadismaya nang malaman nilang hindi pa bukas ang mga pintuan ng paaralan, at ang botohan ay mag-uumpisa pala ng alas-7 ng umaga.

Inakala kasi nila na puwede silang makaboto ng alas-singko ng umaga, ngunit ayon sa Commission on Elections (COMELEC), iilang lugar lamang ang nagpatupad ng maagang botohan bilang parte ng pilot testing, at sa oras na maging matagumpay ang nasabing proyekto ay tsaka pa ito maipatutupad sa buong bansa.

“Medyo masama ang loob ko dahil kami pinaghandaan namin na pumunta dito nang maaga, bakit sila hindi? Pinagtiyaga pa kami dito, mabaho! Mabaho! Grabe!” ayon kay Manuel Biasong.

Ayon sa COMELEC Deputy na naka-assign sa lugar, ala-sais ng umaga itinakda ng principal ng eskuwelahan ang pagpapasok sa mga botante dahil inaayos pa aniya ng mga guro ang mga silid-aralan na pagdarausan ng botohan.

Samantala, bandang 5:50 am ay nagsimula na silang magpapasok ng mga residente upang maghintay na lamang sa loob ng paaralan.

Pormal na nagsimula ang botohan ng ala-siete ng umaga at ilan sa mga botante ay nakaranas ng pagkalito sa pupuntahang precinct room dahil nagbago ang ilan sa mga assigned rooms sa ilan sa kanila.

Kaugnay rito, walang available voters desk assistance ang paaralan at mga marshall lang ang tumutulong sa mga botante sa kanilang mga katanungan.

Samantala, isa pa aniya sa nagpatagal ng pagpapasimula ng botohan sa bawat precinct rooms ay ang matagal na pagdating ng watchers sa bawat silid-aralan.

Sa kabilang banda, nakaranas pa rin ng maayos at mabilis na proseso ng pagboto ang ilan sa mga residente.

“Mas madali ngayon, kasi madali mong makita ang precinct ‘di tulad ‘nung panahon namin, iikot kami saan kami ituro ganito ganun, hanggang sa ‘yung iba uuwi na lang. Lalo na ‘yung last eleksyon, nung mayor national, dun kami hirap,” ayon kay Angelina Mendezabal.

Ayon naman kay Dr. Marissa B. Feliciano, principal ng Bagong Silang High School, naglaan ng partikular na lugar para sa mga senior citizens, PWD, at mga buntis upang hindi na mahirapan ang mga ito sa pagpunta sa kanilang mga precinct rooms.

Ang Barangay Bagong Silang o Barangay 176 sa North Caloocan ay kilala bilang pinakamalaki at pinakamaraming populasyon na barangay sa Pilipinas na may mahigit 245,000 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Follow SMNI NEWS on Twitter