NAGMISTULANG ilog ang maraming lansangan sa Metro Manila dahil sa halos walang tigil na pag-ulan sa mga nakaraang araw.
Habang perwisyo ito sa karamihan, ang ilang residente, lalo na mga kabataan, ay nakikitang nagtatampisaw at lumalangoy sa tubig-baha. Isang bagay na ikinabahala ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa maraming sakit ang maaaring makukuha sa pagtampisaw o paglusong sa baha.
“’Yung mga kabataan lumalangoy sa swimming pool. Swimming pool ng baha ng maduming tubig. So hindi dapat nangyayari ‘yon. Dapat maturuan natin ang kabataan. Huwag gawing playground ang tubig bahay ganun din ‘yung ah mga kababayan natin na pumapasok sa trabaho at umuuwi. ‘Pag napalusong sa baha pwede rin silang magkaroon ng mga sakit, leptospirosis,” wika ni Sec. Ted Herbosa, Department of Health.
Nagbabala rin si Herbosa ukol sa kalinisan ng tubig na ginagamit sa pang-araw-araw na gawain gaya ng pagluluto at paghuhugas tuwing tag-ulan.
“’Yung mga tubig gripo natin, ‘yung iba nga sabi baha. ‘Yung iba naman baha rin ah maputik ‘yung lumalabas. So very important pakukuluan natin ang mga tubig na gagamiting panluto, panlinis ng mga plato sapagkat meron tayong acute gastro,” dagdag ni Herbosa.
Mga nasa evacuation center, bantayan sa ubo, sipon, at trangkaso—DOH
Hindi rin ligtas sa sakit ang mga nasa evacuation centers, ayon sa DOH.
Posibleng makakuha ani Herbosa ng mga respiratory disease sa loob ng mga evacuation center.
“’Yung mga nasa evacuation center naman, syempre maraming tao doon nagkakahawa ng acute respiratory infection, ubo, sipon, trangkaso. So very important mag-ingat sa mga sakit na ito na epekto ng climate change. Andiyan pa ‘yung panganib ng dengue kasi ‘pag ulan ng ulan madaming ang mga lamok,” ani Herbosa.
Paalala ni Herbosa, kung mapilitan mang lumusong sa baha, agad maligo gamit ang sabon at malinis na tubig.
Pinag-iingat din ng kalihim ang mga may sugat sa paa at pinayuhang huwag nang lumusong sa baha, lalo na’t posible umanong mapasukan ng mikrobyo ang sugat na maaaring magdulot ng sakit.
