HIGIT pa sa pre-pandemic level ang volume o dami ng mga sasakyan sa EDSA kada araw ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Binigyang-diin ng MMDA ang mahalagang papel ng mga bagong tulay at kalsada upang maging mabilis ang daloy ng trapiko sa EDSA sa muling pagbabalik-normal ng sitwasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na sumampa na sa higit 417,000 ang bilang ng mga sasakyan sa EDSA kada araw.
Pero sa kabila nito ay mabilis pa rin ang daloy ng trapiko ngayon kung ikukumpara noon.
“Noong pong last count natin ay noong November 24, umabot na po ng 417,000 ang vehicle sa EDSA pero mas mataas na po ‘yan sa pre-pandemic level na 405,000 pero despite that, ang atin pong average speed sa EDSA ay almost 16 kilometers per hour pa rin na mas mabilis doon sa pre-pandemic level na 11 kilometers per hour,” pahayag ni Artes.
Paliwanag ni Artes, nakatulong ang EDSA Carousel kung saan nabawasan aniya ang mga bus na nakaharang sa kalsada.
Malaking bagay rin aniya ang mga ginawang kalsada at mga tulay ng dating administrasyon.
Dagdag pa ni Artes, naglatag sila ng preventive measures para sa inaasahang pagdami pa ng mga naturang sasakyan ngayong holiday season.
“Marami na po naman tayong nailatag na preventive measures tulad po ng mga digging sa kalsada, ating ipinagbawal, ‘yung adjacent mall hours. Ito pong lately napuna po namin may mga ilan pa pong nagba-violate regarding diggings ‘yan po ay ipina-penalize natin. ‘Yung mga hindi maayos na takip na steel plates para madaanan po ‘yung ating mga lansangan, agad po nating kino-call ‘yung atensyon ng contractor. ‘Pag hindi po nila ginawa within an hour, MMDA na po ang umaayos pero pini-penalize po natin ang mga contractors na ito,” ayon kay Artes.
MGA KAUGNAY NA BALITA:
P3-B fund transfer ng DICT sa MMDA, pinagdududahan ng isang kongresista
Mga tsuper ng EDSA bus carousel na naniningil sa mga pasahero, paiimbestigahan ng LTFRB
Magdamagang libreng sakay sa EDSA Busway, epektibo na ngayong araw
MMDA officials, nakipagpulong sa mga jeepney operators
MMDA, patuloy ang operasyon laban sa mga sasakyang nagbubuga ng maiitim na usok