PATULOY pa ring hinahagupit ang California ng matinding bagyo at pagbaha na kumitil ng halos 20 tao.
At ayon sa mga eksperto, hindi pa ito ang huling kalamidad na sasalubingin ng mga taga-Calfiornia ngayong bagong taon.
Kilala ang California sa Estados Unidos bilang lugar na may perpektong klima at maaraw na panahon.
Ngunit tila hindi maganda ang pagpasok ng Bagong Taon sa estado dahil ngayon, nasa ilalim ang California sa matinding hagupit ng bagyo at pagbulusok ng mga pagbaha na tumatama sa maraming lungsod.
Ayon sa pagtatantsa ng mga awtoridad, mayroong halos 20 pagkasawi na ang naiulat habang isang nawawalang bata naman ang iniulat na tinangay ng baha sa gitnang bahagi ng California.
Nahirapan pa ang mga pulisya sa paghahanap sa bata dahil sa “matinding lagay ng panahon.”
Sapilitang inilikas ang mga residente sa maraming lungsod dahil sa mga baha at mudslide na nagpalubog sa iilang kabahayan, mga sasakyan at mga kalsada.
Kulang-kulang 200 libong mga (192,000) kabahayan at negosyo sa California ang nanatiling walang kuryente, ayon sa website tracker na PowerOutage.us
Mahigit sa 34 na milyong residente ng California ang nasa ilalim pa rin ng pagbabantay sa baha habang ang malakas na bagyo ay patuloy na humahampas sa estado.
Ayon naman sa weather forecast, 2 bagyo pa ang paparating sa estado sa katapusan ng linggo.
90% ng mga tao sa California ay nasa ilalim pa rin ng pagbabantay sa matinding pagbaha at pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang lahat na manatili sa bahay at manatiling ligtas.