NAGBABALA ang Cambodia sa mga reseller ng COVID-19 test kits ayon sa Ministry of Posts and Telecommunication.
Nakatanggap ng COVID-19 antigen rapid test kits ang publiko at pribadong mga institusyon mula sa mga reseller.
Kamakailan lang ay nakumpiska ng ahensya ang 4,250 test kits na muling binebenta sa limang lokasyon.
Dahil dito hinihimok ng ahensya ang mga awtoridad na tukuyin ang mga oportunista at magpatupad ng hakbang upang maiwasan ang ganitong gawain.
Samantala, hindi pa pinapayagan ang publiko na umorder ng COVID-19 rapid test kits at sakaling nais nilang magpa-test maaari silang magtungo sa mga testing sites na itinalaga ng Ministry of Health.
Siem Reap, naglunsad ng plastic waste campaign
Samantala, naglunsad ng plastic waste campaign ang lalawigan ng Siem Reap sa Cambodia.
Mahigit 300 pamilya ang nakilahok sa kampanya ng Siem Reap na mangolekta ng mga plastic waste sa paligid ng Tonle Sap Lake at sa kanilang mga bahay.
Halos 2,000 sako ng plastic waste ang nakolekta ng mga boluntaryo bago maabutan ng flood season ang komunidad.
Ayon sa founder and president ng Tampaing Snong Russey Foundation na si Sea Sopha, hindi nila naisagawa ang annual plastic collection campaign dahil sa pagkalat ng COVID-19 sa komunidad.
Gayunpaman, libo-libong katao pa rin ang lumahok sa programa at nangoleka ng mga basura sa kanilang lugar.
Samantala, gagawing construction materials ang mga mud-stained plastic waste na nakolekta at ibibigay para sa komunidad.