Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel Cordoba bilang bagong Associate Justice ng Supreme Court.
Inanunsiyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa press briefing nitong Biyernes, Nobyembre 13, 2026.
“President Ferdinand R. Marcos Jr. has appointed Commission on Audit Chair Gamaliel Asis Cordoba as the 196th associate justice of the Supreme Court. He will be succeeding Associate Justice Amy Lazaro Javier who retired on November 16,” pahayag ni Usec. Claire Castro, Palace Press Officer.
Sinabi ni Castro na wala pang naibibigay na pinal na pangalan kung sino ang magiging officer-in-charge o permanenteng kapalit ni Cordoba sa COA.
Bagong hepe ng BCDA, BOC at BIR, nanumpa na sa tungkulin
Pormal nang nanumpa sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bagong itinalagang pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Bureau of Customs (BOC), at Bureau of Internal Revenue (BIR) ngayong Nobyembre 13.
Itinalaga si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno bilang bagong president and CEO ng BCDA, kapalit ni Engr. Jake Bingcang.
Si Bingcang naman ang itinalaga bilang bagong director general ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), kapalit ni Tereso Panga.
Ililipat naman si Panga bilang executive director ng Toll Regulatory Board (TRB).
Si BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza ang pumalit kay Nepomuceno bilang bagong BOC Commissioner.
Nanumpa rin si Atty. Rolando Ligon Jr. bilang bagong pinuno ng BIR, kapalit ni Mendoza.
Mga dating opisyal na wala na sa puwesto, posibleng hindi nakaabot sa inaasahan ni Marcos Jr.
Samantala, inamin ng Malacañang na may mga dating opisyal ng administrasyon na maaaring hindi nakaabot sa inaasahan ni Marcos Jr., kaya wala na sa kanilang mga puwesto sa pamahalaan.
Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugan ng pagkawala ng tiwala ang paglilipat sa ibang ahensiya ng isang opisyal na nananatili sa gabinete.
“Iyong mga maaaring wala na sa gobyerno ngayon at sa administrasyon maaaring hindi nila naabot ang expectation ng Pangulo— sa mga wala na sa posisyon. Pero kapag ang isang leader or isang head ng agency ay nailipat sa ibang ahensiya hindi ibig sabihin na siya ay nawalan ng tiwala,” ayon kay Usec. Claire Castro, Palace Press Officer.
Sa halip, inaasahan aniyang lalo pang pagbubutihin ng mga nailipat na opisyal ang kanilang trabaho at maipapakita ang kanilang kakayahan sa bagong ahensiyang kanilang pamumunuan.
“Kahit sabihin natin na less than two years na lang ang Pangulo nais pa rin niyang maayos lahat ang mga ahensiya, mas magagaling na tao ang mai-appoint,” aniya.
