COVID-19 wave, posibleng tatagal hanggang ‘ber’ months – OCTA Research

COVID-19 wave, posibleng tatagal hanggang ‘ber’ months – OCTA Research

POSIBLENG tatagal ng hanggang apat o limang buwan o hanggang ‘ber’ months ang kasalukuyang COVID-19 wave.

Ito ang sinabi ni OCTA Research Dr. Guido David sa Laging Handa public briefing.

Aniya, maraming lugar sa bansa ang nakitaan ng mataas na COVID-19 positivity rate.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasuri.

Idinagdag pa ni David na sa ngayon wala silang nakikitang senyales ng pagbaba ng bilang ng COVID-19 infections.

Batay sa datos, nakapagtala ang bansa ng mahigit 4,000 bagong kaso ng coronavirus sa magkakasunod na apat na araw.

Posible pa aniya itong tataas ng 5,000 new cases sa linggong ito o sa susunod na linggo.

Kaugnay dito, ani David na ang isa pang posibleng dahilan ng prolonged COVID-19 wave ay ang paghina ng immunity ng mga nakakuha ng primary vaccine series noong nakaraang taon at hindi pa nakapag-booster shot.

Samantala, kinumpirma ni Philippine Genome Center (PGC) na ang kasalukuyang COVID-19 wave sa bansa ay sanhi ng BA.5 subvariant.

Sinabi ito ni PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma sa kaparehong public briefing.

“Mayroon po tayong kaunting BA.4 at saka may pangilan-ngilan pong BA.2.12.1, and very, very few of the BA.2.3 which was the predominant one noon pong January. But all in all, we can probably say that this current wave is really the BA.5 wave po dito sa ating bansa,” ayon kay Saloma.

Saad ni Saloma, ‘most predominant’ o pinakamarami sa mga natutukoy ngayong kaso ng PGC ang BA.5 subvariant ng Omicron.

Ito ay mula aniya sa mga sample na kanilang sinuri.

“Ang BA.5 po talaga is the most predominant sample or variant that we are sequencing in the Philippines. It’s about 85% po ng ating sequence samples,” ani Saloma.

Sa ngayon, may tatlong pasilidad ang PGC na puwedeng mag-whole genome sequencing.

Ang PGC Main ay nasa Diliman, mayroon ding pasilidad sa UP-Visayas at pangatlo ang PGC Mindanao.

Sa tala ng PGC, nasa 750 a week ang pinaproseso ng PGC sa Diliman, nasa 300 a week naman sa Visayas, 100 a week naman sa Mindanao.

Sa kabuuan, tinatayang nasa 1,150 a week ang sini-sequence sa PGC.

“At mayroon din po na sini-sequence doon sa RITM, but I don’t really know the exact number. But all in all, the Philippines is actually sequencing about 1,100 to 1,200 cases weekly po,” ayon kay Saloama.

Samantala, kasabay rin ang grupong OCTA at iba pang eksperto sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa publiko na magpa-booster shot na para sa tiyak na proteksyon mula sa nakahahawang COVID-19.

Follow SMNI News on Twitter