DAAN-daang operator ng pampublikong jeep ang humabol para sa franchise consolidation deadline, araw ng Martes, Abril 30, 2024 sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) NCR.
Sa panayam kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, bibigyan lamang nila ng hanggang 8:00 ng gabi ang mga aplikante para makapagsumite ng requirements.
Kakaunti na lang din aniya ang humahabol sa ilang rehiyon kumpara sa Metro Manila na dinadagsa.
Sa datos ng LTFRB, nasa mahigit 78 porsiyento sa buong bansa ang bilang ng mga operator na nakapag-consolidate at halos 60 porsiyento diyan ay mula sa Metro Manila.
Sabi ni Guadiz, dahil na rin sa hakbang ng ahensiya, posibleng madadagdagan pa ng 2 porsiyento mula sa kabuuang 80 porsiyento ang nakahabol sa franchise consolidation deadline.
Bibigyan din ng 6-9 na buwan ng ahensiya ang mga operator na kailangan pang kumumpleto ng kanilang mga requirement.
Hindi na rin muna manghuhuli sa Mayo 1 ang LTFRB sa mga tsuper na hindi nakapasok sa kooperatiba bagkus ay bibigyan na lamang sila ng show cause order.
Maaari ding patawan ng isang taong suspensiyon ang tsuper at P50,000 multa sa oras ma-impound ang dyip.
Libu-libong operator at tsuper, nanganganib oras na bawian ng prangkisa—Manibela
Pero, umaasa pa rin ang ilang transport groups tulad ng Manibela na papabor ang Korte Suprema sa hinaing nilang mga tsuper.
Giit ng Manibela, libu-libong mga tsuper at operator ang mawawalan ng trabaho dahil mawawalan ng prangkisa.
Dahil dito, asahan na umano ng gobyerno ang gagawin pang malawakang tigil-pasada bilang pagtutol sa PUVMP.
Ang grupong PISTON naman ay nagsimula na rin ng 3-araw na tigil-pasada na magtatapos sa Mayo 1.