Dapat may 13th month pay din ang government contractual workers –Sen. Revilla

Dapat may 13th month pay din ang government contractual workers –Sen. Revilla

NAGSUMITE si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. ng Senate Bill No. 1621 nitong Disyembre 14 na naglalayong makapagbigay ng 13th month pay para sa mga contractual workers ng pamahalaan.

Hindi umano bonus ang 13th month pay dahil sa bisa ng Presidential Decree No. 851, lahat ng employer na mula sa pribadong sektor ay obligadong magbigay ng 13th month pay sa rank-and-file employees kumita man o hindi ang kumpanya, hindi tulad ng bonus na ibinibigay depende sa employer kung maganda ang takbo ng kumpanya.

“Nalalapit na ang Pasko pero iilan lang tayong magiging masaya na makakatanggap ng 13th month pay. Yung mga kasamahan nating contractuals at job orders sa gobyerno, walang matatanggap, eh pare-pareho lang naman din tayong nagsisilbi sa bayan. Idagdag mo pa ang patuloy na tumataas ng bilihin, eh talagang kawawa naman sila”, saad ni Revilla.

Nakapaloob sa panukala ni Revilla na ang sakop nito ay mga nagsisilbi sa mga gobyerno sa ilalim ng contract-of-service scheme o job order arrangement na karaniwang hindi nakatatanggap ng iba pang benepisyo at allowances na tulad ng sa mga regular na government employees.

Ayon pa kay Revilla na siya ring chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ang mga contractual workers umano ay may malaking papel na ginagampanan sa pagsusulong ng serbisyo publiko.

“Ang trabaho nila ay kasing bigat ng trabaho ng mga regular. Walang duda, sila rin ay kasing sipag ng ibang kawani ng gobyerno. Kaya nararapat lamang na bigyan rin natin sila ng benepisyo na natatanggap ng mga regular employees”, paliwanag pa ni Revilla.

Ayon sa Inventory of Government Human Resources, hanggang Hunyo 30, 2022 ay umabot sa kabuuang 2,462,534 ang manggagawa sa pamahalaan at 642,077 o tinatayang nasa 26% ng kabuuang government workforce ay binubuo ng Job Order and Contract of Service (JOCOS) personnel.

Follow SMNI NEWS in Twitter