SA pabor na botong 274, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala na magtatatag ng disaster food banks and stockpiles sa buong kapuluan, upang mapabilis ang paghahatid ng mga relief goods at iba pang mga suplay sa panahon ng mga kalamidad.
Ipinanawagan sa House Bill (HB) No. 8463 ang pagtatayo at konstruksiyon ng disaster food bank and stockpile sa bawat lalawigan at mga highly urbanized city sa buong bansa, at ang pagmamantine ng mga ito, at paglalaan ng pondo para sa operasyon.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, ang mungkahi ay nagmula sa mga bansa na madalas dinadaanan ng higit 20 bagyo kada taon.
Mga bagyong pinalakas ngayon dahil sa epekto ng climate change sa mundo.
“This reality requires us to prepare for the eventuality of storms and similar calamities displacing residents of affected areas,” ani Romualdez.
Sa ilalim ng panukala, ang disaster food bank and stockpile ay magsisilbing pangkalahatang imbakan ng pagkain, tubig, mga gamot, mga bakuna, mga antidotes, at iba pang mga mahahalagang produktong-medikal, medical kits, portable power and light source, mga damit, mga tents, at mga gamit pangkomunikasyon.
Tutukuyin naman ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) ang lokasyon ng stockpile at gagawing ‘fair’ ang rasyon nito sa panahon ng emergency.
Gagawin namang discreet, o lihim ang lokasyon ng imbakan.
