DOH chief, itinangging anomalya sa expired vaccines; reklamo, “demolition job”

DOH chief, itinangging anomalya sa expired vaccines; reklamo, “demolition job”

Iginiit ni Health Secretary Ted Herbosa na bahagi lamang ng umano’y demolition job ang reklamong isinampa laban sa kanya at ilang opisyal ng Department of Health kaugnay ng P1.5 bilyong halaga ng expired na gamot at bakuna.

Muling kinasuhan ng grupong nagpapakilalang “concerned DOH personnel” si Health Secretary Teodoro Herbosa at 16 pang opisyal ng ahensya noong nakaraang linggo.

Sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman, inakusahan si Herbosa at iba pang opisyal ng serious dishonesty, serious misconduct, at conduct prejudicial to the best interest of public service.

Ayon sa mga nagreklamo, umabot umano sa P1.5 bilyon ang halaga ng mga gamot at bakunang nag-expire at itinuring na “dead stock” matapos hindi maipamahagi sa mga regional health units at manatili sa national warehouse.

Ngunit mariing pinabulaanan ni Herbosa ang mga alegasyon at iginiit na wala pa siyang natatanggap na opisyal na reklamo mula sa Ombudsman.

Nilinaw rin ng kalihim na ang isyu ay may kinalaman sa expired vaccines, partikular ang COVID-19 vaccines, na aniya ay matagal nang naitala sa mga ulat ng Commission on Audit.

“But I did not buy that, remember that was the time of COVID-19. I did not have anything to do with the binili and also nawala na yung COVID so mag e-expire talaga yan kasi wala nang binabakunahan. So mali ba yun?” tanong ni Sec. Ted Herbosa, Department of Health.

Dagdag pa ni Herbosa, maliit lamang umano ang porsyento ng mga expired na bakuna kumpara sa kabuuang binili ng pamahalaan noong kasagsagan ng pandemya.

“Yung 1.9 million is less than 1 percent than the total ng binili natin… so when you look at it that way may nagde-demolition job sa akin,’’ ayon kay Sec. Ted Herbosa, Department of Health.

Pinuna rin ng kalihim ang mga nagrereklamo na nananatiling anonymous at aniya’y dapat lumantad sa publiko kung may katotohanan ang kanilang mga paratang.

Sa kanyang pananaw, ang mga nasa likod ng reklamo ay bahagi ng tinatawag niyang “DOH mafia.”

“Nadiskubre ko kasi na may kurapsyon sa DOH so na sideline ko sila. Kaysa habulin ko sila, sinideline ko sila. Ang tawag dun quarantine, quarantine ko sila para di na makaaksyon. Nung hindi na sila makaaksyon naglabasan na sunod-sunod yung mga. Halos quarterly, di ko pinapansin. Yan ang storya,’’ ani Sec. Ted Herbosa.

Sa ngayon, hinihintay pa ng kampo ng kalihim ang opisyal na kopya ng reklamo upang pormal itong masagot, habang inaasahan namang sisilipin ng Ombudsman ang merito ng kaso.

Follow SMNI NEWS in Twitter