DPWH sinuspinde ang lahat ng reblocking works

DPWH sinuspinde ang lahat ng reblocking works

TIGIL reblocking sa mga kalsada ang utos ngayon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon para matapos na ang matagal ng pagdududa at galit ng publiko sa mga daang muling inaayos kahit wala namang sira o nasa maayos pang kondisyon.

Ayon sa kalihim, may mga pagkakataong pinagkakakitaan ang ganitong proyekto.

Epektibo na simula Oktubre 10 ang kautusan para sa suspensiyon ng lahat ng reblocking works sa mga kalsada.

“Deka-dekada na nating naririnig natin ‘yan. Bakit ba ang DPWH binabakbak ang mga kalye, parang na okay naman para lang gawin ulit. Well siguro sa maraming pagkakataon alam na natin kung bakit kasi pinagkakitaan lang ‘yon. Pinagkakaitaan ang pagsisira, pinagkakitaan ang paggagawa ulit,” ayon kay Sec. Vince Dizon, DPWH.

Magpapalabas ang kalihim ng bagong department order para sa tamang implementasyon ng kautusan. Aniya, kung may kailangang ayusing kalsada, dapat maging transparent ito sa publiko.

“Kasi tinanong ko ‘yan dito, kasi inexplain sa ‘kin na sir may ibang kailangang re-block kasi sira na, so okay fine. Pero kailangang may basis tayo at gawin nating transparent sa mga kababayan natin kung bakit tayo tumitibag ng mga kalye na mukha namang maayos pa,” ani Dizon.

“Para alam ng mga tao kung bakit sinisira yon. dahil delikado na, o sira na ang ilalim o what ever, but in the meantime suspended muna,” aniya.

Nauna nang pinatigil ng DPWH ang reblocking activities sa Bocaue, Bulacan at Tuguegarao City. Padadalhan ng show cause order ang mga district engineer doon upang magpaliwanag kung bakit giniba ang mga kalsadang maayos pa.

Hinimok ni Dizon ang publiko na magsumbong kung may makitang reblocking activity sa kabila ng suspension order. Puwede aniyang ipadala ang mga larawan o video sa social media pages ng DPWH upang agad itong maaksyunan.

Dagdag pa ng kalihim, ang mga reblocking na gawa ng Maynilad, Manila Water at iba pang kompanya, rerebyuhin din ng DPWH at gagawa ng mas mahigpit na guidelines.

“May nakikita tayo na companies na binabakbak tapos, iiwanang nakabuka. Hindi pupwede. Bawal ‘yon,” ayon pa kay Dizon.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng ahensiya sa mga maanomalyang flood control project.

Sa susunod na linggo, lalagda si Dizon ng kasunduan sa Anti-Money Laundering Council, Insurance Commission, at Philippine Competition Commission para mas mapabilis ang pag-freeze at pagbawi ng mga pondong sangkot sa katiwalian.

Sa ngayon, nasa P4B na ang halaga ng assets at property ang na-freeze ng AMLC.

Sa kabila naman ng mga kaliwa’t kanang isyu sa DPWH, tutol si Dizon na buwagin na ang ahensiya at magtayo na lang ng panibago gaya ng iminungkahi ni Sen. Sherwin Gatchalian.

“Unang-una kung bubuwag ka eh ano nang mangyayari doon sa mga projects na kritikal sa DPWH. Alam mo kritikal ‘yong road. Paano kung may masirang bridge? Paano kapag may sakuna, may earthquake, may malakas na bagyo, sinong gagawa doon? saad nito.

“Siguro ang hihingin ko sa kaniya at sa iba pang legislators, bigyan tayo ng pagkakataon, isang buwan pa lang naman tayo dito tingin ko marami tayong magagawa,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble