Nagbigay ng update ang Office of the Ombudsman sa ginagawa nilang imbestigasyon o case build up laban sa umano’y 8 Congtractor.
Ang ‘Congtractor’ ay bansag ng Ombudsman sa mga dati o kasalukuyang kongresista na nagkaroon ng negosyo o pakinabang sa mga proyekto ng gobyerno.
Sila ay nasa ilalim ng imbestigasyon ng Ombudsman dahil sa conflict of interest na pinagbabawal sa Saligang Batas.
Dalawa sa mga umano’y congtractor na ito ay sina dating Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales at dating Congressman na ngayo’y Surigao del Sur Governor Johnny Pimentel.
Ayon kay Asst. Ombudsman Mico Clavano, naghain sila ng depensa sa mga paratang at submitted for resolution na ang reklamo.
‘’Mga Congtractors na meron pong nahanap na conflict of interest. There’s representative Aurelio Dong Gonzales Jr, his case is here… For conflict of interest. Representative Johnny Pimentel, his case likewise at the PI level of conflict of interest,’’ ayon kay Asst. Ombudsman Mico Clavano.
Naghain din ng counter affidavit si Cong. Edwin Gardiola, ang magkapatid na Yap at si Tarlac 2nd District Rep. Cristy Angeles.
Ang mag-amang Matugas naman na sina Surigao 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas at ang anak nitong si Francisco “Bingo” Matugas II, wala pang naisusumiteng counter affidavit.
Ang mga Villar, pinakabago sa mga sinampahan ng reklamo para sa preliminary investigation ng Ombudsman dahil sa isyu sa Prime Water.
Maghahain naman ng depensa dito ang pamilya Villar sa oras na makuha nila ang kopya ng reklamo.
Para sa ilang mga netizen, kuwestiyonable ang mga reklamo laban sa mga Villar lalo pa’t kilala silang taga suporta ng mga Duterte at mainit ang isyu ng voting threshold sa impeachment trial para kay Vice President Sara Duterte
Sa mga personalidad naman na nabanggit ng state witness na si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo sa flood control scandal, hindi pa maisampa-sampa ang reklamo para sa preliminary investigation.
Kabilang sa mga pinangalanan ni Bernardo ay sina dating Executive Secretary Lucas Bersamin, si dating Presidential Legislative Liaison Office Usec. Adrian Bersamin at iba pang miyembro ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
‘’We are still looking for documents, we subpoenaed for agencies, so hinintay natin ‘yong submissions nila para makabuo ng malakas na kaso, that’s only then…tinaas na kasi natin ‘yong antas ng ebidensya,’’ saad ni Clavano.
