Filing ng Certificate of Candidacy sa Maynila, nagpapatuloy

Filing ng Certificate of Candidacy sa Maynila, nagpapatuloy

NAGPAPATULOY ang isinasagawang filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa tanggapan ng COMELEC sa Arroceros para sa mga local aspirant na nais tumakbo sa Lungsod ng Maynila para sa Halalan 2022.

Tahimik, maayos at iilan ang inaasahang maghahain ng Certificate of Candidacy ngayong-araw.

Ito ang inihayag ni Atty. Gregorio Bonifacio, Election Officer ng COMELEC-Manila Election Unit.

Ibinahagi naman ni Bonifacio na naging maayos at manageable ang filing ng COC ng local aspirants sa Maynila sa unang dalawang araw ng COC filing.

Sa tala ng COMELEC-Manila, isa palang ang nakapaghain ng COC sa pagka-alkalde ng lungsod.

Ito ay si Onofre Estrada Abad na tatakbong independent.

Samantala, wala pa silang naitalang naghain ng COC sa pagka-bise alkalde ng Maynila.

‘’Well so far okay naman siya manageable medyo kukunti pa po yong nag file ng COC. Meron na po isang nag file na for Mayor. Meron sa district namin, meron lima na councilor na nagfile po thru the authorized representatives doon sa ibang mga distrito may mga ganon narin po na nagfile pero mangilan-ngilan lang po. Sa ngayon po manageable wala pa po masyado nag pa file,’’ayon kay Atty. Gregorio Bonifacio, election officer.

Gayunman, inaasahan ni Bonifacio na dadagsain ang COMELEC-Manila election unit ng mga filer simula sa Oktubre 6 hanggang 8.

Nagpaalala naman si Bonifacio sa mga maghahain ng COC na dalawa lang ang papayagan na magiging kasama nila sa pagpa-file.

‘’Hindi po namin ia-allow tulad ng nakagawian natin na parang mala fiesta na kasa-kasama yong mga supporters. So kung napansin nyo po iyong paglatag ng security namin doon palang po sa may UDM meron na po doon parang crowd control management na ang papasukin lang po ay yong dalawa niyang kasama. So other than that wala na po kaming ia-allow na papasukin,’’dagdag nito.

Tiniyak naman ng COMELEC-Manila na maayos na nai-implementa ang health at safety protocols sa COC filing sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.

”Sa health protocol po hanggat maaari na siguraduhin po ninyo na COVID-free kayo na hindi kayo makahawa at sa aming party naman sinisiguro naman naming po na hindi kami makakahawa sa inyo. Hanggat maaari may RT-PCR test, kung wala naman po tingnan po natin in a case to case basis,’’ayon kay Bonifacio.

Kaugnay nito, mahigpit din ang seguridad na ipinapatupad sa paligid ng tanggapan ng COMELEC-Manila election unit.

Mababatid na tatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila si Vice Mayor Honey Lacuna at si Congressman Yul Servo naman ang kanyang kandidatong bise alkalde.

Sa kabilang banda naman pormal nang inendorso ni Pangulong rodrigo Duterte nitong Setyembre si Manila Rep. Manuel Luis Lopez bilang pambato ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP–Laban) sa pagka-alkalde ng Maynila.

Base sa ulat, sinabi ni Lopez na tinanggap niya ang nominasyon bilang Manila mayoralty bet sa ilalim ng PDP-Laban.

Si lopez ang kasalukuyang tumatayong Chairman ng House Committee on Metro Manila development at nasa ikalawang termino na ito bilang kongresista.

SMNI NEWS