BUBUKSAN na ng bansang Croatia ang kanilang pintuan para sa mga hotel workers mula sa Pilipinas. Ito ay sa ilalim ng isang government-to-government arrangement na layong tiyakin ang ligtas at makataong pagtatrabaho ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Europa.
Pinirmahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Croatian Employment Service ang Implementing Guidelines para sa pilot project ng recruitment at employment ng mga Filipino hotel workers sa Croatia.
Isinagawa ang virtual signing ceremony nitong Hulyo 17, kung saan lumagda si DMW Undersecretary Felicitas Q. Bay at Croatian Employment Service Director General Ante Loncar.
Sa ilalim ng kasunduan, sasagutin ng mga employer sa Croatia ang mga recruitment-related fees ng mga manggagawang Pilipino, alinsunod sa pinapayagang singil na napagkasunduan ng magkabilang panig.
Bilang paghahanda, sasailalim sa Pre-Departure Orientation Seminar mula sa OWWA at Pre-Flight Briefing mula sa DMW-PEGPB ang mga aplikanteng Pilipino.
Ang mga patakarang ito ay bunga ng Memorandum of Cooperation na nilagdaan noong Oktubre 2024 at niratipikahan ni Pangulong Marcos noong Enero ng kasalukuyang taon.
