NANINDIGAN ang Department of Finance (DOF) na hindi galing sa ahensiya ang utos na ilipat ang halos P90-B na excess fund ng PhilHealth para mailaan sa unprogrammed funds.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, dikta ng Kongreso ang naturang fund transfer batay sa nakasaad sa 2024 General Appropriations Act (GAA).
“Hindi ito imbento ng DOF, in fact, inutusan ng Kongreso ang DOF, kung pagbabatayin niyo ang section paragraph B of the Actions of the Appropriations, sinasabi doon the DOF shall hindi may mandated. Sabi sa amin legal ‘yan,” ayon kay Sec. Ralph Recto, Department of Finance.
Sinabi nitong malaki ang natutulog na pondo sa PhilHealth kaya nararapat lang din na ilaan ito sa ibang programa gaya ng infrastructure at social protection program.
Aniya, sa P590-B na pondo ng PhilHealth ay hindi naman kayang ubusin o gastusin ito ng state insurer sa isang taon.
At mula sa P590-B, ay P90-B lang naman ang ibabawas sa state insurer dahil hindi naman kaya itong gastusin ng gobyerno.
Aniya, ang mga natetenggang pondo ay nasasayang lalo pa’t nag accumulate ito ng interes.
Ulat na galing sa kontribusyon ng miyembro ang halos P90-B excess fund ng PhilHealth, fake news—Ralph Recto
Nilinaw rin ni Recto na hindi galing sa kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth ang naturang excess fund.
Matatandaan na lumapit na sa Korte Suprema si Sen. Koko Pimentel, Philippine Medical Association at iba pang health advocates para kuwestiyunin ang legalidad ng dibersiyon ng pondo ng PhilHealth.
Humiling ang mga ito sa korte na mapatawan ng Temporary Restraining Order (TRO) upang mapigilan ang paglilipat ng naturang pondo.
Gusto rin nilang maibalik sa PhilHealth ang P20-B na nauna nang nailipat.
Una nang sinabi ng mga health advocates na labag sa Universal Care Health Law na alisan ng pondo ang PhilHealth.