Pandaraya sa mga PWD ID lumalala; DSWD, tutok sa 3 pangunahing modus

Pandaraya sa mga PWD ID lumalala; DSWD, tutok sa 3 pangunahing modus

Sa halip na maging tulay ng kaginhawaan, ang PWD ID system ay ginagawang kasangkapan ng pandaraya ng mga taong walang kapansanan para lang makakuha ng diskuwento at iba pang benepisyo na hindi naman para sa kanila.

Dahil diyan, kasamang tinututukan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang lumalalang isyu ng fraud o panlilinlang sa pagkuha at paggamit ng pekeng PWD ID.

Tinukoy ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang tatlong pangunahing pinanggagalingan ng pandaraya sa PWD ID system:

Una, ang pekeng medical certificate, kung saan ayon sa kalihim, may problema sa kawalan ng mahigpit na regulasyon. Dahil dito, kahit sinong doktor, kahit hindi espesyalista, ay basta-basta na lamang nag-iisyu ng certificate.

Upang tugunan ito, naglabas na ang Department of Health (DOH) ng memo circular na nagtatakda ng mahigpit na pamantayan kung sino lamang ang may karapatang mag-isyu ng ganitong dokumento.

“So, did the memo circular of DOH came out early part of this year, if I’m not mistaken, January or Feb. Kung saan nakasaad ang bawat kategorya may katapat na doktor na dapat espesyalista na nag-iisyu noong medical certificate,” pahayag ni Sec. Rex Gatchalian, DSWD.

Pangalawa, ang abuso sa LGU encoding. May mga insidente ng “palakasan” sa ilang local government units kung saan naaprubahan ang aplikasyon ng mga hindi tunay na PWD.

At pangatlo, isa sa pinakamatagal nang suliranin: ang talamak na modus ng pagbebenta at pagbili ng pekeng PWD ID sa mga lugar tulad ng Recto.

“Pangatlong source of fraud, iyong talagang salbahe na, pumunta nasa Recto, bumili na ng ID ‘di ba. So, sa amin, DOH has flagged the first area, potential area of fraud, with their memo circular na tina-tighten nila kung sino iyong puwedeng mag-issue ng which type of medical certificate,” ani Gatchalian.

Bilang tugon sa mga pandarayang ito, isasagawa na ang pilot implementation ng isang makabagong Unified PWD ID System sa mga susunod na buwan.

Ito’y ipatutupad sa ilalim ng pangangasiwa ng National Commission on Disability Affairs na isang attached agency ng DSWD.

Pahayag ng DSWD chief, na-procure na ang kinakailangang sistema at inaasahang ilulunsad ito sa mga piling lugar bilang paunang hakbang bago ang full nationwide rollout.

“That would solve iyong pumupunta sa Recto at bumibili ng ID, kasi ito real time siya. When you scan QR code or the security feature, it will come up sa database na active na iyon at tamang ID iyong at lehitimong ID iyon. So, sa madaling panahon will roll this out and will give you the necessary updates,” aniya.

Samantala, nilinaw ng kalihim na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga gumagamit ng pekeng PWD ID ay nasa ilalim ng mandato ng mga lokal na pamahalaan.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang lungsod ng Valenzuela na nagsampa na ng kaso laban sa mga taong sangkot sa pagbebenta at paggamit ng pekeng ID.

Follow SMNI NEWS on Twitter