NATANGGAP na ng mga player ng Gerflor ang kanilang partial na sahod mula sa kanilang management.
Ito ang kinumpirma ni Gerflor Defenders Head Coach Sammy Acaylar.
Ito’y sa gitna ng kinakaharap na internal problems ng Defenders dahil sa hindi pa nababayaran ang mga player.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay iniimbestigahan ng Premier Volleyball League (PVL) ang Gerflor dahil sa naturang reklamo ng mga player.
Ani Acaylar, ngayong weekend matatanggap na ang kanilang full payment.
Nilinaw naman ni Acaylar na ang mga player pa lang ang nabigyan ng partial salary at hindi pa kasama sila na mga coach.
Sa kabila nito, hinimok ni Acaylar ang kanilang mga player na bigyan ng isa pang chance ang kanilang management para maresolba ang isyu.
Sa ngayon ay nanatiling walang panalo ang Gerflor sa nagpapatuloy na All-Filipino Conference.