Halaga ng pinsala sa palayan dahil sa Bagyong Kristine, pumalo sa P6B

Halaga ng pinsala sa palayan dahil sa Bagyong Kristine, pumalo sa P6B

TINATAYANG nasa P300M ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ng irigasyon dahil sa Bagyong Kristine.

Iniulat ito ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eduardo Guillen.

Dagdag niya, P6B naman ang halaga ng pinsala sa palayan o katumbas ng 350,000 metric tons na palay.

Sinabi ni Guillen na talagang malaki ang naging epekto ng bagyo sa palayan, gayunpaman, tiniyak niyang hindi magkukulang ang suplay ng bigas sa bansa.

Ito’y base na rin sa kanyang pakikipag-usap sa kalihim ng Department of Agriculture (DA).

“Ito po ay of course lagi tayong umaasa na hindi tatamaan ang ating palayan. Pero ito talagang malaki ang damage eh, hindi ito ang expected namin yearly. So, medyo nabigla rin tayo dito,” ayon kay Engr. Eduardo Guillen, Administrator, NIA.

Upang maiwasan ang matinding epekto ng paghagupit ng mga bagyo, mayroong ilang hakbang na ginagawa ang NIA na pangmatagalan aniya na solusyon dito.

Ani Guillen, nililipat na ng NIA ang cropping calendar kung saan nais nitong magkaroon ng dalawang dry cropping.

“So ang ating dalawang dry cropping calendar would be October to July. Aani tayo ng February walang bagyo d’yan. July, kokonti ‘yung, at wala pang bagyo d’yan. Kapag na secure natin ‘yang dalawang ani, dalawang dry cropping season, okay na po tayo,” ani Guillen.

Sa hakbang na ito, ani Guillen, inaasahang mapapataas ang produksiyon ng palay,

Ipinaliwanag din ng NIA chief na dati ang pinaka-unang tanim ay kasabay ng panahon ng tag-ulan o Hunyo o Hulyo at mag-aani ng Nobyembre.

Magtatanim uli ng Disyembre at mag-aani uli bandang Abril o Marso.

“Itong wet season natin, nasabay kasi ito sa bagyo. Ito ‘yung iniiwasan natin. Siyempre climate change na, kailangan mag-adjust din tayo,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble