Hindi maayos na pangangalaga sa kalikasan, may epekto sa ekonomiya – NEDA

Hindi maayos na pangangalaga sa kalikasan, may epekto sa ekonomiya – NEDA

BINIGYANG-diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang kahalagahan ng ‘sustainable consumption and production’ o ang wastong paggamit ng iba’t ibang serbisyo habang isinasaalang-alang ang mga epekto nito sa ating kalikasan tungo sa isang matatag na ekonomiya.

Kaya naman isinusulong ng NEDA ang isang sustainable consumption and production’ na bahagi ng Philippine Development Plan 2023-2028 ng gobyerno.

Mahalaga ayon sa NEDA ang pagbabago sa consumption at production pattern o ang takbo ng paggamit ng produkto o serbisyo tungo sa isang matatag na ekonomiya.

Sa ginanap na Philippine Development Plan 2023-2028: From Plan to Action na nakatuon sa Chapter 15: Accelerate Climate Action and Strengthen Disaster Resilience, nanawagan si  NEDA Sec. Arsenio M. Balisacan para sa agarang implementasyon ng matalino at wastong pagkonsumo at paglikha ng iba’t ibang serbisyo sa bansa upang mapangalagaan ang kalikasan.

Pagbibigay-diin ni Balisacan na dapat ang likas na yaman ng bansa ay hindi lamang available para sa kasalukuyang henerasyon kundi maging sa hinaharap.

Pagbibigay-diin pa ni Balisacan na kung hindi napapangalagaan nang maayos ang kalikasan ay makakaapekto ito sa takbo ng ating ekonomiya.

Isa sa mga inihalimbawa rito ng kalihim ay ang iresponsableng pagmimina.

Isa sa mga programang gagawin ng pamahalaan para sa layunin na ito ay ang Philippine Action Plan for Sustainable Consumption and Production o ang PAP4SCP at ang Roadmap to Institutionalize Natural Capital Accounting in the Philippines o ang NCA Roadmap.

Naglalaman ang PAP4SCP ng iba’t ibang estratehiya at mga aksyon na magpapabago sa pag-uugali at gawi ng mga mamimili at prodyuser upang mabawasan ang pagkasira ng kapaligiran.

Samantala, ang NCA Roadmap naman ay nagbibigay ng estratehikong patnubay para sa buong institusyonalisasyon at pagsasama ng Natural Capital Accounting sa pagpaplano, paggawa ng patakaran, programa sa pamumuhunan, at komprehensibong accounting ng mga likas na yaman ng bansa.

Samantala nagpahayag naman ng pagsuporta ang ilang mga senador kabilang na sina Senators Loren Legarda at Pia Cayetano; at iba’t ibang organisasyon tulad ng Asian Development Bank; World Bank; Philippine Chamber of Commerce and Industry; Business for Sustainable Development at World Wide Fund for Nature Philippines.

Follow SMNI NEWS in Twitter