Iligal na POGO, palayasin sa bansa –Sen. JV Ejercito

Iligal na POGO, palayasin sa bansa –Sen. JV Ejercito

IKINATUTUWA ni Senador JV Ejercito na matapos na pumutok ang isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay naging zero incident na ito ngayon.

Binati ni Sen. Ejercito ang Philippine National Police (PNP) partikular na ang Southern Police District (SPD).

Ito ay dahil simula nang pumutok ang isyu kaugnay sa iligal na pag-o-operate ng POGO sa bansa ay naging zero incident na ito ngayon makalipas ang isang buwan.

Sa lungsod ng Parañaque at Pasay madalas ang mga operasyon ng POGO na saklaw at nasawata ng SPD.

“Binabati ko ang PNP natin lalong-lalo na ang mga nasa SPD Southern Police District na kung saan sakop ‘yung mga area na kung saan concentrated ‘yung POGOs,” pahayag ni Ejercito.

Giit ng senador, kailangan ding ipakita na hindi uubra ang kalokohan ng mga sindikatong  ginagamit ang POGO para gumawa ng kalokohan sa bansa.

Aniya, sa ngayon pinag-aaralan na rin kung dapat bang manatili ang operasyon lalong-lalo na sa mga iligal operators ng POGO sa bansa.

“Well, ‘yan ay ating tinitimbang pero ‘yung mga illegal na POGO, dapat ngayon pa lang paalisin na. They have no business being in the country kasi bakit ka maging illegal kung wala kang tinatago ibig sabihin may tinatago ‘yan. Kasi mga legal, hindi gumagawa ng kalokohan ‘yan,” ayon kay Ejercito.

Ang pahayag ng senador ay kasunod sa isinagawang launching and revitalized ng PNP Kapulisan, Simbahan at Pamayanan o KASIMBAYANAN.

Ginanap ito sa SPD Grandstand sa lungsod ng Taguig kasabay ng kanilang regular Monday Flag Raising Ceremony.

“Maganda itong proyekto para at least tulung-tulong kasi maraming problema ngayon dahil sa tumataas na presyo ng bilihin, taas ng presyo ng gasolina talagang maraming challenges pa na kinakaharap ng ating gobyerno,” ani Ejercito.

Samantala, nababahala naman ang Association of Service Providers and POGOs (ASPAP) at kanilang mga manggagawang Pinoy na maaring maapektuhan ang kanilang hanapbuhay kung tuluyan na ngang isasara ang POGO.

Umaapela rin ang grupo na sana’y timbanging mabuti ng pamahalaan bago desisyunan o manatili ang operasyon ng POGO.

Ayon sa grupo, bilang lehitimong POGO naging katimbang na sila ng gobyerno ng Pilipinas para i-report ang mga iligal o sindakatong POGO sa bansa.

“Syempre di ba obligasyon natin bilang mamamayan kapag may nakita tayong masama or illegal na nangyayari it’s really obligasyon natin na mai-report ito hindi pwedeng complacent lang tayo na porket hindi tayo ano…hindi ganun. So, sa amin sabi ko nga sa inyo bago nagsisimula ‘yung mga foreign workers namin meron ‘yang mga briefing na ginagawa sa opisina,” pahayag ni Atty. Paul Bongco, ASPAP.

Mas maraming Pilipino kaysa dayuhan ang nagtatrabaho para sa mga licensed POGOs na miyembro ng ASPAP.

Sa kabuuan, 23,118 Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa mga POGO at service providers nito bilang data entry clerks; customer service representatives; dealers or presenters; housekeepers; maintenance staff; drivers; security guards; cooks at waiters; at marami pang iba.

Kung saan 11,776 sa mga Pilipino ang direct hired at 11,342 naman ang indirect hired.

Binubuo ang ASPAP ng 16 PAGCOR-licensed POGOs at 68 service providers.

“Ibig sabihin ay natutunan na ng mga Pilipino kung papaano sila makapagserbisyo, paano nila maibibigay ‘yung mga pangangailangan ng industriya,” ayon naman kay Atty. Michael Danganan, ASPAP.

Nandigan naman ang service provider ng POGO na walang naitalang krimen na nangyari sa kanilang operasyon.

“Wala po kaming naging rekord na may inapi sa amin po, wala po, kasi mababait naman po lahat,” ayon kay Karen Sta. Cruz, Admin ng POGO service provider.

“Everyday po kasama ko ‘yung Chinese wala naman po akong na-experience na ganun at wala din po talaga akong nadinig, mas lalo na doon sa opisina namin na may mga ganung issues po,” ayon naman kay Nelia Leonardo, translator.

Tulad ng maraming Pilipino, naaalarma rin ang mga miyembro ng ASPAP at kanilang mga manggagawa sa lumalaganap na krimen sa POGO sector.

Follow SMNI NEWS in Twitter