Income tax free sa lahat ng senior citizens, isinulong

Income tax free sa lahat ng senior citizens, isinulong

IPINANUKALA ni Navotas Representative Toby Tiangco na maging tax exempted sa income tax ang lahat ng mga senior citizens.

Sinabi ni Tiangco na mayorya kasi sa mga nakatatanda ay walang sapat na kakayahan sa usaping pang-pinansyal.

Ipinaliwanag pa nito na ang natatanggap na pensyon at mga benepisyo makaraang nagretiro ng mga seniors ay hindi naman nakasasapat, katunayan ay hindi nito kayang tustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa buhay.

Nilinaw pa ni Tiangco na batay sa Republic Act 9994 ay tanging ang mga senior citizens na minimum wage earners lamang ang kwalipikado sa tax exemption.

Iginiit ni Tiangco na iyan aniya ang dahilan kaya isinusulong niya ang House Bill 6891 na naglalayong palawakin ang masasakop ng income tax exemption sa lahat ng mga senior citizens at hindi na dapat gawing basehan kung magkano ang kinikita nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter