BUMILIS sa antas na 4 percent ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa nitong Marso 2022.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang average inflation mula Enero 2022 hanggang Marso 2022 ay nasa antas na 3.4 percent.
Sinabi ng PSA na ang dahilan ng mabilis na antas ng inflation noong Marso ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 2.6 percent inflation at 53.5 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.
Ang pangalawang commodity group na nagpakita ng mabilis na antas ng inflation ay ang housing, water, electricity, gas and other fuels na may 6.2 percent inflation at 30.3 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.
Habang ang transport ang pangatlong commodity group na nagpakita ng mabilis na antas ng inflation noong nakaraang buwan na may 10.3 percent inflation at 13.7 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.
