ISANG malaking warehouse sa G. Molina Street, Brgy. Bagbaguin sa lungsod ng Valenzuela ang nasunog bandang alas dose ng tanghali, araw ng Huwebes, Setyembre 28, 2023.
Ayon sa mga nakapanayam na residente, napansin nila na may umuusok sa loob ng warehouse na pagmamay-ari ng Herco Trading.
Agad naman itong nirespondehan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Valenzuela, kung saan bandang 12:31 pm ay itinaas na ito sa unang alarma.
Dahil na rin sa mabilis na pagkalat ng apoy ay rumesponde na rin ang kalapit na lungsod tulad ng Pasig, Quezon City, Malabon, at iba pa.
Bandang 2:03 ng hapon ay itinaas na ito ng BFP sa Task Force Alpha habang 3:40 pm ay nasa Task Force Bravo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, unang nasunog ang mga tambakan ng paleta sa main entrance hanggang kumalat na sa buong bodega.
Isa rin sa nakikitang dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy ay dahil sa naglalaman ito ng mga tool na sinusuplay sa iba’t ibang tool stalls, mga hardware shop at maging sa mga online platform.
Ilang mga bahay na rin na katabi ng warehouse ang nadamay sa sunog.
Pansamantalang tumutuloy ngayon sa mga evacuation center ang mga pamilyang apektado ng sunog.
Batay sa pinakahuling datos ng Valenzuela LGU, umabot na sa 118 na pamilya o 503 na indibidwal ang tumutuloy sa tatlong evacuation center sa lungsod.
Sa bilang na ito, 53 na pamilya o 229 na indibidwal ang tumutuloy ngayon sa A. Mariano Elementary School.
Habang nasa walo na pamilya o 26 indibidwal naman ang kasalukuyang nasa lumang barangay hall ng Bagbaguin, at 57 na pamilya o 248 na indibidwal ang nasa Paso de Blas 3S Center.