NANAWAGAN ang isang kongresista sa Saudi government na pag-aralan at i-classify ang mga mabibigat at magagaang krimen na nagawa ng mga Pinoy sa Saudi Arabia.
Balik na ang deployment ng mga Filipino domestic worker sa Saudi Arabia simula noong November 7, 2022.
Maalala na noong nakaraang taon, unang sinuspinde ang deployment ng household workers doon dahil sa reklamo ng pang-aabuso ng ilang Saudi employers at hindi pagpapasahod.
May mga dapat namang i-comply ang Philippine Recruitment Agencies (PRA) bago makapagdeploy uli sa Saudi.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng whitelist bilang patunay na walang pending na mga kaso ang PRA sa Philippine Overseas Employment Administration at Philippine Labor Office.
Ngunit, hindi pa ito sasapat ayon sa isang kongresista.
Para matiyak ang maayos na kapakanan ng mga manggagawa sa Saudi, makikipagpulong si OFW Party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino sa mga kinatawan ng Saudi government.
“Previously, yung dating ambassador is very close to us. Yung mga nakakulong medyo natulungan natin, yung mga dapat magkaroon ng death penalty medyo natulungan natin,” ayon kay Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino, OFW Party-list.
Ayon din sa mambabatas, personal niyang idudulog sa Saudi ambassador ang pag-revisit sa kaso ng mga Pinoy sa Saudi.
At pag-aralan kung anong pwedeng gawin sa mga hindi gaanong mabibigat na kaso.
“Ang gusto sana natin, ang mga kababayan nating nakakulong, maraming nakakulong at saka nandoon sa bahay kalinga sa Saudi Arabia, sana i-re-visit nila yung mga kaso kasi yung iba naman hindi naman ganoon ka-worst ang mga kaso. Yung isa, parang mayroong bicycle, nakabangga I mean napagamot naman sana makalabas na,” dagdag pa nito.
Ipapanawagan din nito sa Saudi government na huwag kunin ng mga employer ang passport ng mga OFW.
Pati na ang pagkakaroon ng kasulatan sa pagitan ng employer at OFW para ipagbawal ang pananakit.
Sa susunod na linggo na mangyayari ang meeting ni Magsino sa Saudi Arabia ambassador.