NILAGDAAN na ang kontrata para sa itatayong 380-kilometer Laguna-Albay route ng Philippine National Railways (PNR).
Iginawad ang naturang kontrata na nagkahalagang PhP142 bilyon o USD2.8 bilyon sa pinagsanib na Chinese companies.
Ang itatayong railway project ay mula Barangay Banlic sa Calamba, Laguna patungong Daraga, Albay.
Kabilang sa lumagda sa kontrata si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade at mga representante ng China Railway Group Ltd., China Railway No.3 Engineering Group Co. Ltd., at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd. (CREC JV).
Kabilang sa nasabing kontrata ang desinyo, konstruksyon, at electromechanical works ng proyekto.
“Listed in both the Hong Kong and Shanghai stock exchange, CREC JV ranked 35th on the Fortune Global 500 list and 5th among China’s top 500 enterprises in 2021,” pahayag ng DOTr.
Saklaw sa naturang proyekto ang 39 na lungsod at munisipalidad sa apat na probinsiya at dalawang rehiyon.
Maliban sa konstruksyon ng 380-km na railway, kasama sa proyekto ang 23 stations, 230 bridges, 10 passenger tunnels, at isang 70 ektaryang depot sa San Pablo, Laguna.
Kapag operational na ang nasabing proyekto, magiging apat na oras na lamang ang travel time sa pagitan ng Calamba, Laguna at Legazpi sa Albay sa karaniwang 12 oras na biyahe.
Magsisilbi ang PNR Laguna-Albay route sa 14.6 milyong pasahero kada taon.
Inaasahan namang gagawa ng mahigit 10,000 direktang trabaho sa konstruksyon kada taon ang nasabing proyekto at dagdag daan-daang libong trabaho na may kaugnayan sa proyekto.
