Libreng tutorial sessions para sa mga mag-aaral, isinusulong

Libreng tutorial sessions para sa mga mag-aaral, isinusulong

ISINUSULONG ng isang senador ang pagkakaroon ng libreng tutorial sessions para sa learning recovery ng mga mag-aaral.

Sa halos mahigit 1 taong pagsasara ng mga paaralan bunsod ng kinakaharap na pandemya.

Sa panukalang batas na nagsusulong ng pagkakaroon ng isang remedial program sa buong bansa kung saan ang bawat estudyante ay makakatanggap ng libreng tutorial sessions.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ito ay upang maiwasan ang pag-urong ng kaalaman ng bawat kabataan dahil sa paghinto ng face to face classes.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355, ang naturang programa ay kikilalanin bilang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program kung saan kabilang sa magiging benepisyaryo ng ARAL Program ay ang mga hindi nag-enroll noong School Year 2020-2021.

Kasama rin iyong mga nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science, sakop ng ARAL Program ang tinaguriang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10.

Biniyang diin ni Gatchalian, bibigyang prayoridad ang mga mag-aaral upang ma-develop ang critical at analytical thingking skills ng mga estudyante, layunim ng panukalang programa na linangin ang mga foundational skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten upang i-angat ang kanilang literacy at numeracy competencies.

Sinabi ng senador na magsisilbing tutor para sa ARAL program ang ibat-ibang mga guro habang ang mga kwalipikadong estudyante sa kolehiyo ay maaring mag-volunteer bilang isang tutor.

Kailangan lamang makapasa sa isang mock tutoring session na isasagawa ng Department of Education (DepEd), ang kanilang mga serbisyo para sa dalawang semestre ay ituturing na pagkumpleto ng Literacy Training Service (LTS) sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP).

Dagdag pa nito, magiging mandato naman sa mga Public Telecommunication Entities (PTEs) ang pagbibigay sa mga mag-aaral at mga tutor ng libreng access sa online educational platforms ng DepEd, kabilang ang mga digital libraries at iba pang online knowledge hubs.

“Sa pamamagitan ng isinusulong nating ARAL Program, maiiwasan natin ang pag-urong ng kaalaman ng mga mag-aaral at matutulungan natin silang makahabol sa kanilang pag-aaral. Ito ay magiging bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya,”ayon kay Gatchalian.

Sa ilalim din ng ARAL Program ang pagbibigay ng nutritional, social, emotional, at mental health support sa mga mag-aaral ay kasama rin sa isinusulong sa panukalang batas katulad ng mass awareness campaigns upang hikayatin ang mga mag-aaral na magbalik eskwela.

Kasama sa nasabing panukala ang mga hakbang na isinusulong upang matugunan ang pagkakaroon ng flexible dates sa enrollment, pagpapatuloy ng mga school feeding programs, pagkakaroon ng sapat na pasilidad sa sanitation at hygiene, at pagpapatupad ng mga public health protocols.

Isasagawa ang mga tutorial sessions sa pamamagitan ng face-to-face, online, o blended learning. Maaaring isagawa ang mga sessions na ito tuwing weekends ng school year o tuwing semestral breaks.

SMNI NEWS