HABANG papalapit na naman ang panahon ng tag-init, muling itinutulak ni Senator Win Gatchalian ang kanyang panukalang magkaroon ng lifeguard sa lahat ng mga pampublikong swimming pool sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1142 o ang Lifeguard Act of 2022, iminumungkahi ni Gatchalian ang pagkakaroon ng certified lifeguard, o isang eksperto sa paglalangoy na may kaalaman sa lifesaving techniques, bilang bahagi ng operasyon ng isang public swimming pool.
Nakasaad din sa panukalang batas ang pagkakaroon ng karagdagang lifeguard sa bawat 250 square meters ng pool area na idinagdag.
Gamit ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), iniulat ng Department of Health (DOH) na umabot sa 3,276 mula 2006 hanggang 2013 ang average na bilang ng mga namamatay kada taon dahil sa aksidenteng pagkalunod at pagkalubog.
Mula 1963 hanggang 2003, 36.5% ng mga namatay dahil sa pagkalunod ang wala pang 14 taong gulang.
Ayon sa World Health Organization, aabot sa 7.8% ang drowning rate sa mga low at middle-income country tulad ng Pilipinas, mas mataas sa 1.2% na naitala sa mga high income country.
Giit pa ni Gatchalian, isang hamon sa pampublikong kalusugan ang pagkalunod.
“Maaari nating maiwasan ang pagkamatay na dulot ng pagkalunod kung titiyakin nating ligtas at may lifeguard ang bawat public swimming pool sa bansa. Mahalagang maisabatas natin ito, lalo na’t mga bata ang apat sa 10 namamatay dahil sa pagkalunod,” ani Gatchalian.
Nakasaad din sa kanyang panukala na ang responsibilidad ng mga pool operator, mga local government units (LGUs), at mga lifeguard mismo.
Tungkulin ng pool operator, halimbawa, na bigyan ang LGU ng certification at mga supporting documents upang patunayan na ang lifeguard ay bahagi ng isang nationally recognized organization na may DOH accreditation.
Kung maisabatas ang naturang panukala, magiging mandato ng mga LGU na tiyaking sumusunod ang mga pampublikong languyan sa mga itinakdang pamantayan.
Gagawin ito sa pamamagitan ng mga lokal na inspeksiyong isasagawa ng mga local health officers.
Hindi maaaring aprubahan o irenew ng isang LGU ang operating permit ng isang pampublikong pool hanggang hindi nito nakukumpirma ang mga certification at mga supporting documents na kinakailangan.
Sakaling may mamatay o magkaroon ng matinding injury sa isang public swimming pool, makukulong nang hanggang anim na buwan at magmumulta ng P200,000 ang pool operator na hindi tiniyak ang pagkakaroon ng sapat na lifeguards.
Maliban pa ito sa iba pang criminal, civil, o administrative liabilities na kanyang kakaharapin.
Maaari namang makulong nang hanggang isang taon at pagmumultahin ng P200,000 ang lifeguard on duty na bigong mapigilan ang injury o pagkamatay dahil sa kapabayaan at kawalan ng pag-iingat.
Magkakaroon naman ng administrative liability ang mga opisyal ng LGU na responsable sa pag-inspect ng mga pampublikong swimming pool kung mapapatunayang hindi nila ginampanan ang kanilang mga tungkulin.