LRT-2, may sorpresa para sa mga pasahero ngayong Araw ng mga Puso

LRT-2, may sorpresa para sa mga pasahero ngayong Araw ng mga Puso

IBA’T ibang pakulo o gimik ang hatid ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na tiyak papatok sa mga magsing-irog o kahit ano pang relationship status na sasakay sa LRT-2 kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, ngayong Pebrero 14.

Ito ay bilang pasasalamat na rin ng LRTA sa kanilang mga pasahero na tumatangkilik sa pagsakay sa LRT-2.

Bulaklak para sa mga in-relationship, single, sawi sa pag-ibig, complicated o anumang relationship status mo ay makakatanggap ka ng bulaklak mula sa mga kawani ng LRT-2.

Sinabi ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera na hindi lamang mga kababaihan ang kanilang bibigyan ng bulaklak, kundi maging ang mga kalalakihan.

Nasa 15 indibidwal din ang makakatanggap ng premyo matapos manalo sa kanilang paligsahan dahil sa makabagbag na hugot lines.

“May mga winner na tayo kasi last week pa natin na announce ito. So, nakapamili na kami ng winners dito sa mga hugot lines,” saad ni Atty. Hernando Cabrera, Administrator, LRTA.

“Yung mga train operator natin diyan sa istasyon ay babasahin ‘yung mga hugot line every now and then, ‘yung mga hugot line ng mga nanalo,” dagdag ni Cabrera.

Alas siete ng umaga ay mas magiging espesyal pa ang pagsakay mo sa LRT-2 dahil maliban na nga sa rosas na iyong matatanggap, isang harana naman ang hatid ng LRTA Band at Philippine Coast Guard Band sa mga pasahero na sasakay sa Antipolo Station.

Simula alas nuebe hanggang alas diyes ng umaga ay mamimili ng lucky winners ang mga kawani ng LRT-2 sa mga pasahero na ang damit ay tugma sa relationship status mo.

Sinabi ni Cabrera, isa ito sa inaabangan tuwing Araw ng mga Puso dahil dito malalaman kung ano ang estado ng iyong lovelife.

“Kapag pula ay taken na ‘yan, kapag pink ay single and ready to mingle, then pagka-black ay bitter, kapag blue ay parang heart broken, ganun ‘yung mga pa-contest natin suot mo ‘yung lovelife status mo,” aniya.

Pupuwede ring magpa-picture sa itinayong photobooth sa Antipolo Station para sa mga magkasintahan, single, broken-hearted o kahit ano ang relationship status mo.

Samantala, aminado naman si Cabrera na posibleng bumaba ang bilang ng mga pasahero na sasakay sa LRT-2 tuwing Martes at Huwebes.

Base kasi sa kanilang datos, nasa 150,00 ang kanilang naitatalang bilang ng mga pasahero tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.

“Usually kapag Tuesday hindi masyadong marami ang tao, ang pinakamaraming tao usually diyan ay Monday, Wednesday at tsaka Friday. ‘Yung Tuesday at Thursday ay hindi masyado na talagang, ever since mababa ‘yung Tuesday at tsaka Thursday,” ani Cabrera.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter