Makabagong chatbox, pinasinayaan ng AirAsia

Makabagong chatbox, pinasinayaan ng AirAsia

PINALITAN na ang AirAsia Virtual Allstar (AVA) ng naturang airline ng bagong chatbox na sinasabing  mas advanced ito sa enhanced artificial intelligence (AI) at machine learning (ML) capabilities na mabilis na tutugon sa mga katanungan ng mga pasahero.

Aminado si Tony Fernandes ang CEO of Capital A na napapanahon na para dinggin ang mga daing at reklamo ng mga pasahero sa pamamagitan ng pagpalit ng makabagong paraan ng pagsagot ng maraming katanungan ng kanilang mga pasahero.

Sa isang press conference na isinagawa sa Red Q ng AirAsia sa Sepang, Malaysia ay sinabi ni Fernandes na batid nila ang pagkadismaya ng kanilang mga pasahero sa unang AI chatbot – AVA na una nilang ginagamit.

Aminado rin si Fernandes na hindi sapat ang AVA  sa inaasahan ng mga tao at sa pamamagitan nito nakita ng naturang kumpanya na gumawa ng mas makabagong paraan na agad tutugon sa reklamo o daing ng kanilang mga pasahero.

Gayunpaman nagpapasalamat pa rin si Fernandes sa AVA sa matagumpay na paghawak nito ng higit sa 113 milyong pasahero mula noong 2019, at paghawak ng higit sa 43 milyong mga katanungan ng kanilang mga bisita simula noong taong 2020 sa panahon ng pandemya.

Matatandaan dahil sa malawak na operasyon ng AirAsia sa buong mundo, nalikha ang AVA noong kasagsagan ng pandemya dahil sa kaliwa’t kanang reklamo o katanungan ng kanilang mga pasahero.

Sa pamamagitan ng AVA, natutunan ng naturang kumpanya na gumamit ng artificial intelligence upang masagot ang mga kumplikado at malalaking katanungan ng mga bisita.

Pero ano nga ba ang pinag-iba ng AVA sa ‘Ask Bo’ ngayon?

Masaya namang ipinakilala ni AirAsia chief ang ‘Ask Bo’, na ipinangalan mula sa kanilang Airline Group CEO Bo Lingam.

Giit ni Fernandes,tiwala kasi siya kay Lingam dahil nasa tabi niya lamang ito sa nakalipas na 21 taon at siya ang taong nangunguna sumagot sa lahat ng mga tanong sa kanilang grupo sa airline.

Para naman kay Bo, confident siya at walang pagduda na sagutin ang lahat ng mga katanungan ng kanilang mga customer.

Ang ‘Ask Bo’ ay makakapagbigay ng live updates kaugnay sa flight status gaya ng delays, departures at mga pagbabago ng flight.

Sa ‘Ask Bo’ pwdeng magtanong ng iba’t ibang wika kabilang ang English, Chinese, Bahasa (BM, Indonesian), Thai, Japanese, Korean at Vietnamese.

Sa pamagitan ng email, social media o kanilang website makikita si ‘Ask Bo’.

Follow SMNI NEWS in Twitter