Kinumpirma ni Atty. Harry Roque na ang impormasyong hindi naaresto o nakulong si dating kongresista Zaldy Co sa Czech Republic ay nagmula mismo kay Co.
Ayon kay Roque, si Co umano ang nagpatunay na wala itong pagkakakulong o pagkakaaresto, taliwas sa naunang anunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nahuli na ang dating mambabatas.
Dahil dito, tahasan niyang tinawag na “fake news” ang naging pahayag ng Pangulo hinggil sa umano’y pagkakahuli kay Co.
“Ang kumpirmasyon na hindi siya nakakulong ay nanggaling mismo kay Zaldy Co. Hindi po siya nakulong, hindi siya nakakulong. Kaya buong-buo kong sinasabi: nagpapakalat ng fake news ang Pangulo,” ayon kay Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesperson.
May sagot naman dito ang Palasyo.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa Palace briefing nitong Martes, nagsalita na ang Pangulo at maging ang Justice Secretary kaya’t hindi na umano dapat pang pagdudahan ang opisyal na bersyon ng pamahalaan.
Banat pa niya kay Roque:
“Ang Pangulo po ay nagsalita na. Si Secretary Vida ay nagsalita na rin. So, bakit po ba natin paniniwalaan ang isang fake news peddler?” saad ni Usec. Claire Castro, Palace Press Officer.
Sa usapin ng umano’y pagkalat ng maling impormasyon, sinabi ng Palasyo na hindi na kailangan ng direktang utos mula sa Pangulo upang magsagawa ng imbestigasyon.
“Muli, hindi kailangang mag-utos ng Pangulo sa NBI, sa PNP, o sa anumang investigating bodies patungkol sa fake news. Kapag nakita po nila at alam nila na fake news ang pinapakalat, kailangan lamang po itong imbestigahan,” ani Castro.
Sa kabila ng tanong ng media hinggil sa eksaktong estado ni Co, tumanggi si Castro na magbigay ng detalye at itinuro ang Department of Justice bilang awtoridad.
Hindi rin kinumpirma ng Palasyo kung may inilabas nang Red Notice ang INTERPOL laban kay Co.
Ipinaliwanag din kung bakit wala pang larawan o video ng umano’y pagkakaaresto kay Co.
“Kasi mayroon pong ibang country na involved. So, maingat po ang gobyerno sa pagbibigay ng anumang anunsiyo. Hayaan na lamang po natin na magtrabaho ang ating gobyerno, at muli, si Secretary Vida po ang maaaring sumagot sa iba pang mga katanungan,” dagdag ni Castro.
Pagtawag ni Leviste kay PBBM bilang umano’y akusado sa flood control scam, kinuwestiyon ng Palasyo
Sinagot din ng Palasyo ang naging pahayag ni Batangas Repesentative Leandro Leviste na nagsabing hindi umano dapat ang Pangulo ang nagbibigay ng ulat kaugnay sa kaso ni Zaldy Co.
Ito ay sa gitna ng alegasyon ni Co na si Marcos Jr. umano ang mastermind sa sinasabing flood control scam.
Kinuwestiyon ni Leviste kung paano paniniwalaan ang proseso kung ang itinuturong akusado ang siyang nagpapaaresto sa nag-aakusa.
Ang pahayag na ito ng mambabatas, ay pinalagan ng Malacanang.
“Sino po ang pinapangalanan niyang akusado? Kailan po ba naging akusado ang Pangulo? Hindi po ba kayo ang dapat nagtatanong sa kaniya kung kailan ba naging akusado ang Pangulo?” giit ni Castro.
Seguridad ni Zaldy Co sa pagbabalik sa Pilipinas, tiniyak ng Palasyo
Samantala, nagpahayag ng suporta si Senator JV Ejercito sa paninindigan ng pamahalaan na maibalik sa bansa si Zaldy Co upang humarap sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y malawakang anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Ejercito, mahalagang maiuwi si Co “at all costs” upang maibunyag ang sinasabing isa sa pinakamalaking corruption scandal sa kasaysayan, ngunit iginiit niyang malaking hamon ang matiyak ang kaligtasan nito sa pagbabalik sa Pilipinas dahil maaaring may mga grupong ayaw siyang makapagsalita.
Kaugnay ng pahayag ni Ejercito, sinabi ng Palasyo na handa ang gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng sinumang Pilipino.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Castro na kailangang patunayan muna kung may aktwal na banta.
“Pero dapat tingnan muna po natin, saan nanggagaling iyong sinasabing death threats? Mayroon na po bang naipakita? Mayroon na po bang nai-blotter or whatever. So, tingin ko dapat doon muna eh kasi there’s no basis, that there will be lacking of basis if you cannot prove that death threats against Zaldy Co. So, dapat doon tayo mag-start, may death threats nga ba?” dagdag ni Castro.
Sa huli, nagbigay muli ng garantiya ang Palasyo na magbibigay ang pamahalaan ng kinakailangang proteksiyon kay Co, kasabay ng patuloy na koordinasyon ng mga ahensya upang maibalik siya sa Pilipinas alinsunod sa batas.
