Maliliit na negosyo sa Binondo, umaasang kikita ng doble sa selebrasyon ng Chinese New Year ngayong 2024

Maliliit na negosyo sa Binondo, umaasang kikita ng doble sa selebrasyon ng Chinese New Year ngayong 2024

HALOS hindi na nga mahulugan ng karayom ang Ongpin Street sa Binondo, Maynila dahil sa dami ng taong nakiisa sa pagdiriwang ng Chinese New Year!

Ang Binondo ay kilala bilang oldest Chinatown sa buong mundo.

Pagpasok pa lang sa Ongpin Street ay makikita na ang iba’t ibang makukulay na palamuti.

Tuwing Chinese New Year patok sa Ongpin ang iba’t ibang pampa-suwerte katulad na lamang ng wooden dragon figurine, gabi at palay na nagdadala umano ng suwerte ngayong 2024.

“It’s tradition na kasi, so parang nakasanayan na every year ay kailangan naming gawin ‘yun like ‘yung mga sabit na may pineapple, we actually do that every year,” ayon kay Minnie, Chinese National.

“Taon-taon talaga ay bumibili kami rito, pampa-suwerte daw ito, gabi na dikit-dikit, palay, tapos dalandan na pabilog,” ayon kay Dodong, Mamimili.

Ilan nga sa mga magtiyagang nagtitinda ng lucky charms ang Pilipinong si Archie.

“Inaasahan ko po na ngayong araw ay maubos at makumpleto ‘yung kikitain ko ngayong Chinese New Year,” ani Archie, Tindero ng Lucky Charm.

Mga Pilipino, nakiisa sa selebrasyon ng Chinese New Year sa Binondo

Salubungin ang Year of the Wooden Dragon with iconic and new Chinese delicacies dito sa Binondo.

Worth it ang pilahan kung matitikman mo ang trending na fried xiaolongbao, dumplings, spring rolls, at iba.

Siyempre, hindi rin mawawala tuwing Chinese New Year ang legendary tikoy at hopia.

Sa isang kilalang tindahan ay kita mo na blockbuster na ang haba ng pila – makabili lang ng paborito nilang Chinese delicacies.

“This year .. siyempre kailangan may bago tayong produkto. This year…dahil Year of the Dragon gumawa tayo ng dragon fruit na tikoy, at siyempre sa hopia naman may bago tayong choco nut na hopia,” ayon kay Gerik Chua, Owner, Eng Bee Tin.

“Pinaka-important sa amin ay magbigay kami ng sulit para sa customers,” aniya.

Hindi lang Chinese delicacies o cuisine ang maaari mong matikman sa Ongpin.

Dahil si Aling Nena, puto bungbong naman ang ibinibenta.

“Marammg bumibili dahil Chinese New Year. Inaasahan namin na mas marami pang bumili,” Nena, Tindera ng Puto. Bungbong.

Hindi lang Tsino ang nagdiriwang ng Chinese New Year dahil maging ang mga Pilipino ay nakiisa rin.

Sa katunayan, bumiyahe pa mula sa malalayong probinsiya ang ilan nating mga kababayan makarating lang sa Binondo para sa Chinese New Year.

At isa nga sa kanila ay si Jose Andrineda na mula pa sa Nueva Ecija.

“Bilang mga Pilipino mahahaba ang tradisyon natin sa pakipagrelasyon sa mga kapatid nating mga Chinese..kumbaga na-imbend sa mga Pilipino ‘yung pagdiriwang ‘yung tradisyunal na Chinese New Year. Naniniwala din ang ibang Pilipino doon sa goodluck,” aniya.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, inaasahan nilang papalo sa isang milyong katao ang makikibahagi sa Chinese New Year ngayong taon.

Ang Lucky China Town Hotel ay dagsa na ng mga turista mula lokal at banyaga.

“We are already fully booked, thank God from today until tomorrow the Lucky China Town is fully booked. Actually, kanina may nag-try pang mag-walk in, unfortunately we only have 93 rooms to offer kaya hindi na namin sila na cater pa.”

“It’s more a balikbayan and Filipino guest who really wants to experience to discover Binondo, that’s why they are staying here,” pahayag ng Lucky China Town.

Alas diyes ng Pebrero 9 ay magkakaroon ng fireworks display sa Binondo-Intramuros Bridge na simbolo ng pagsisimula ng selebrasyon ng Chinese New Year para sa taong 2024.

Bukas ng Sabado, Pebrero 10 naman ay magkakaroon ng solidarity parade ang iba’t ibang Filipino-Chinese Organizations kasama ang Manila LGU.

Paalala ng pamahalaan sa mga dumadarayo sa Binondo na maging alerto at ‘wag na sanang magdala pa ng malalaking bag o gamit para iwas-hassle na rin.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble