Lagpas alas-diyes ng umaga nitong Biyernes, July 3, nang magsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46 o bribery sa Sandiganbayan laban kina Senador Rodante Marcoleta, dating Congressman Mike Defensor, at dalawa pang indibidwal.
May kaugnayan ito sa umano’y P75 milyong campaign donations na umano’y tinanggap ni Marcoleta mula sa mga campaign donor na sina Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Ispiritu at Aristotle Viray noong 2025 elections.
Ayon sa Ombudsman, ang mga campaign donation na ito ay hindi umano naideklara sa SALN at SOCE ni Marcoleta, na nagsilbing bahagi ng ebidensiya ng prosekusyon.
‘’The evidence includes three cash donations totaling ₱75 million, undeclared in the senator’s SALN and campaign finance reports. This leaves our office no discretion to look away. These facts are not in dispute; the senator has publicly confirmed receiving the money, and they can be stipulated at the onset of trial,’’ ayon sa Office of the Ombudsman.
Ayon pa sa Ombudsman, inamin umano mismo ni Marcoleta sa publiko ang pagtanggap ng naturang halaga.
Isa rin umano sa naging pahayag ng senador ang pagbanggit sa “utang na loob.”
Ayon sa Ombudsman, walang puwang sa mga tanggapan ng gobyerno ang pagtanaw ng utang na loob.
At hindi umano ito dapat maging dahilan o depensa sa hindi pagdedeklara ng natanggap na pera.
‘’The moment gratitude is used to explain away ₱75 million in undisclosed money, it stops being “utang na loob” and becomes exactly what our plunder and bribery laws were written to prevent,’’ saad ng Office of the Ombudsman.
Ayon pa sa Ombudsman, kinikilala nito ang iba’t ibang opinyon at ang karapatan ng publiko na magpahayag ng pagtutol sa mga naging hakbang ng kanilang tanggapan.
Gayunman, hiniling nitong hayaang ang katotohanan at batas ang magpasya, at hindi ang emosyon o takot.
‘’We respect every citizen’s right to an opinion, to rally, and to demand accountability, including from us. What we ask in return is what we ourselves commit to: let the facts and the law decide, not sentiment or fear,’’ ani Office of the Ombudsman.
Dagdag pa ng Ombudsman, nananatili kay Marcoleta ang presumption of innocence at ang karapatang ipagtanggol ang kaniyang sarili sa Sandiganbayan.
‘’Senator Marcoleta retains the presumption of innocence and every right to defend himself before the Sandiganbayan. We did not choose this fight,’’ saad ng Office of the Ombudsman.
Samantala, nairaffle na sa Sandiganbayan ang mga kaso.
Ang kasong plunder, na isang non-bailable offense, ay napunta sa Sandiganbayan 3rd Division.
Samantala, ang mga kasong bribery ay mapapakinggan ng 4th, 6th, at 1st Division.
Namataan naman ang pagdating ng mga pulis sa Sandiganbayan upang magbigay ng dagdag na seguridad sa lugar.
