TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na committed ang kaniyang administrasyon na tapusin ‘on time’ ang mga nakalinyang infra projects sa ilalim ng Build Better More program sa loob ng kaniyang termino.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasabay ng dinaluhang selebrasyon ng ika-125 founding anniversary ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“So as we celebrate this milestone, it continues to be my hope that everyone in the Dep’t. of Public Works will remain steadfast in its mandate as well as stay committed to fulfilling this administration’s 8 point socio economic agency, by committing to construct and finish critical infra projects on time, on schedule and under budget,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa kaniyang talumpati sa naturang event, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat masigurong naipatutupad ang streamlining sa mga procedure gayundin ang transparency sa lahat ng mga proyekto at transaksiyon ng gobyerno.
Iginiit naman ng Punong Ehekutibo na kaisa ng DPWH ang buong gobyerno na nakikipagtulungan upang gawing mas moderno ang burukrasya.
Inilahad ni Pangulong Marcos na sinimulan ng kaniyang administrasyon ang pagsisikap na pagsama-samahin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DPWH, Department of Tourism (DOT), Department of Education (DepEd) upang makamit ang iisang layunin.
“You are not alone in this, the entire government is there working with you to bring the synergies that we can bring together, to make the government more efficient, to make the bureaucracy more modern, more aware of all the new technologies and techniques that are available to us that we can use to our benefit,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Nitong umaga ng Biyernes, Hunyo 23, 2023, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng DPWH na ginanap sa head office ng ahensiya sa Port Area sa lungsod ng Maynila.
Ang DPWH anniversary ay may temang, “Makasaysayang Daan Tungo sa Maunlad na Kinabukasan.”
Itinampok ng milestone celebration ngayong taon ang mga makasaysayang tagumpay ng departamento at ang mga kontribusyon nito sa ‘nation building’ sa nakalipas na 125 taon.
Ang DPWH ay kabilang sa unang functioning government offices sa ilalim ng executive branch sa mahigit isang siglo, mula nang itatag ang Philippine Revolutionary Government noong Hunyo 23, 1898.