Patuloy na isinusulong ni Senator Bong Go ang mas maayos at ligtas na kalagayan para sa mga bantay ng pasyente sa mga ospital, lalo na ngayong dumarami ang mga nagkakasakit sa panahon ng taglamig.
Ayon sa senador, hindi lamang ang mga pasyente ang nangangailangan ng pag-aalaga kundi pati ang kanilang mga pamilya at kaanak na walang sawang nagbabantay sa kanila. Kadalasan ay mga asawa, anak, pamangkin o apo ang nagsasakripisyo ng oras, trabaho at pahinga para matutukan ang kanilang mahal sa buhay.
Bilang tugon dito, itinutulak ni Senator Go ang pagtatayo ng mga halfway house o watchers’ hall sa mga ospital. Ito ay magsisilbing maayos at ligtas na lugar kung saan maaaring magpahinga ang mga nagbabantay sa pasyente sa halip na matulog sa sahig o sa bangketa ng ospital.
Binibigyang-diin ng senador na malaking tulong sa paggaling ng pasyente ang presensya ng kanilang pamilya kaya mahalagang tiyakin na nasa maayos na kalagayan din ang mga tagabantay.
‘’Yung mga nag-aantay sa kanilang mga pasyente kawawa. Doon lamang nakaupo sa bangketa. Nag-aantay minsan nakahawak sa kanilang billing o numero kung tatawagin sila. Eh Paano naman yung nasa probinsya na walang bahay dito sa Metro Manila,’’ ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go.
