MULING nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga nagnenegosyo na walang exemption sa pagbibigay ng 13th month pay para sa kanilang mga empleyado.
Inihayag ni Labor Secretary Benny Laguesma na kahit may mga hindi pa gaanong nakare-recover na nagnenegosyo dulot ng pandemya, ay hindi nangangahulugan na exempted na ang mga ito sa pagbabayad ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.
Paglilinaw ng kalihim, dapat bayaran ng mga pribadong employer ang 13th month pay ang kanilang manggagawa na hindi lalagpas sa Disyembre 24.
Aniya, ang pagbabayad ng 13th month pay ay ayon sa Labor Code of the Philippines at mga patakaran at regulasyon sa pagpapatupad nito.
Gayunpaman, pagtitiyak ng kalihim para sa mga negosyanteng hirap pa rin magbayad ng 13th month pay, nagpapatuloy naman ang Loan program na iniaalok ng Small Business Corporation.
Maaaring mag-apply ng government loan ang mga micro at small enterprises na nahihirapang tustusan ang 13th-monthy pay ng kanilang mga empleyado.
Matatandaan noong nakaraang taon binuksan ang loan facility sa pamamagitan ng Small Business Corporation (SBCorp) para sa mga establisimyentong nahihirapan sa muling pagbukas ng ekonomiya.
Ang mga kwalipikadong borrower ay ang micro at small enterprises na nagpatupad ng flexible work arrangement at naka-rehistro sa DOLE Establishment Reporting System.
Sakop ng programang pautang ay ang hanggang 40 empleyado kada establisimyento at ang halaga ng mauutang ay P12,000 kada aktuwal na empleyado.
Ito ay zero-interest rate, hindi nangangailangan ng kolateral at babayaran sa loob ng 12 buwan, kasama ang tatlong buwang palugit.
At dahil may loan facility mula sa SB Corporation, wala nang dahilan upang hindi magbigay nito sa mga empleyado.
Panawagan naman ni Laguesma huwag nang antayin pa na kailangan maparusahan ang mga empleyado na hindi susunod sa pinaiiral na batas hinggil sa 13th month pay.
Ayon kay Laguesma noong nakaraang taon, nasa 6k na empleyado ang nag-avail ng pautang program na ito at nakita namang maganda ang pagbabayad kaya ipinagpatuloy ngayong taon ang loan facility.