Mga lugar na pinupuntahan ng OFWs, dapat tiyaking ligtas ng pamahalaan –Pastor Apollo

Mga lugar na pinupuntahan ng OFWs, dapat tiyaking ligtas ng pamahalaan –Pastor Apollo

NANAWAGAN si Pastor Apollo C. Quiboloy sa pamahalaan na usisain ang mga recruitment agency, employer at mga lugar na pupuntahan ng overseas Filipino workers (OFWs) upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Sa programang Powerline nitong Miyerkules, Enero 25 ay kinundena ni Pastor Apollo ang karumal-dumal na pagpaslang at pagsunog sa bangkay ng isang Pinay OFW sa bansang Kuwait na si Jullebee Ranara.

Kasunod nito ay nanawagan si Pastor Apollo sa pamahalaan na usisain ang mga bansa at employer na pinupuntahan ng mga OFW upang sila ay maprotektahan.

“Ang ating gobyerno ang dapat manindigan at usisain muna ang mga lugar na pinupuntahan ng ating mga OFWs kung sila ba ay mayroong mga ipinatutupad na human rights sa mga lugar na yon,” pahayag ni Pastor Apollo.

“Itong Kuwaiti government na ito, marami nang beses, meron pa ngang pinatay dyan tapos nilagay sa freezer, chinop-chop tapos nilagay sa freezer. Bakit hindi pa tayo nadala sa mga bagay na ito?” dagdag pa ni Pastor Apollo.

“Usisain muna ‘yung mga employer na pinupuntahan nila,” aniya.

Dagdag pa ng butihing Pastor, dapat din usisain ang mga recruiter at recruitment agency sa ating bansa.

“Bakit itong mga ahensyang nagre-recruit ay hindi usisain din kung sila ba talaga ay mga tunay o walang mga criminal record na nasa ating bansa bago nila ipadala doon. Kasi ang kanila dyan, pag nakuha na nila at nakakuha na sila ng pera sa pagrerecruit na ‘yon, bahala na ‘yung OFW na pupunta doon,” dagdag ng butihing Pastor.

“Ang ating pamahalaan ang dapat pumasok sa bagay na ito at usisain muna ang mga ahensya na nagre-recruit at ‘yung pupuntahan na lugar o employer kung ano talaga ang mga record doon para may proteksyon ang ating mga kaawa-awang OFWs sa ibang bansa lalo na sa mga Arab nations,” aniya.

Samantala, pinuri naman ng butihing Pastor ang pamahalaan sa agaran nitong aksyon sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matulungan ang naiwang pamilya ng Pinay na OFW na pinaslang at sinunog.

“Maganda ang ginagawa ng ating pamahalaan sa pagtulong sa ating pinaslang na OFW,” pagtatapos ni Pastor Apollo.

Follow SMNI NEWS in Twitter