Mga nabakunahan na medical frontliners, nasa mahigit 300-K na

PUMALO na sa mahigit 300,000 medical frontliners ang nabakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hanggang Marso 20 o halos tatlong linggo matapos umarangkada ang vaccine rollout ay nasa 336,656 na ang nabakunahan.

Nasa 98.2% naman aniya o 1,105,600 mula sa 1,125,600 vaccine doses ang naipamahagi na.

Sa kasalukuyan, mayroong 1,623 vaccination sites ang nagbabakuna sa mga health workers sa 17 rehiyon sa bansa.

Target ng pamahalaan na matapos ang pagbabakuna sa 1.7 milyong health workers sa kalagitnaan ng Abril.

Matatandaan na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon na gamitin ang 524-K na AstraZeneca vaccines bilang paunang dosis para sa mga healthcare workers.

(BASAHIN: 525K AstraZeneca vaccine, gagamitin na bilang paunang dosis para sa frontline workers)

Ito ay upang maprotektahan ang mga frontliners sa mga lugar kungsaan tumataas ang bilang ng hawaan ng COVID-19.

Ang 525K AstraZeneca vaccines ay donasyon mula sa COVAX Facility at kasalukuyan na itong ginagamit sa pagbabakuna sa mga healthcare worker sa buong bansa.

Inaasahan namang darating sa bansa sa unang bahagi ng Abril ang 979,200 dosis ng AstraZeneca vaccine na donasyon mula sa COVAX Facility, isang global vaccine sharing initiative.

(BASAHIN: Paggamit ng AstraZeneca vaccine, patuloy na nirerekomenda ng WHO)

SMNI NEWS