Mga senador, iginiit na walang kapangyarihan ang China na alisan ng karapatan ang Pilipinas sa WPS

IGINIIT ng mga senador na walang kapangyarihan ang China na alisan ng karapatan ang Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Para kay Senator Grace Poe, ang pagdidikta ng China na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa bahura ay isa na namang pagpapakita ng pagiging arogante at agresyon.

Batay aniya sa 2016 Arbitral, ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Exclusive Economic Zone at Continental Shelf ng Pilipinas, kaya’t hindi aniya tayo dapat diktahan kung ano ang dapat nating gawin sa ating karagatan.

Sinabi naman ni Senator Joel Villanueva, na walang karapatan ang China na mag isyu ng eviction order laban sa bansa.

Aniya taong 1999 pa lamang ay naroon na sa karagatan ng Ayungin ang mga barko ng bansa.

Giit ni Villanueva, gaya ng Sierra Madre na pangalan ng barko ay hindi na ito dapat magalaw sa naturang lugar.

Gaya ng pananaw nila Poe at Villanueva ay ito rin ang sentemyento nila Senator Ping Lacson at Senate President Tito Sotto III.

Ayon kay Lacson hindi ito naniniwala sa sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Zhao Lijian na may kasunduan na ang Pilipinas sa Ayungin Shoal dahil sa biglang pagtataboy ng China sa mga barko sa Ayungin Shoal.

Si Senator Kiko Pangilinan ay naghain na ng resolusyon para maimbestigahan ang presensya ng China sa WPS.

SMNI NEWS