PINAIGTING ng Philippine National Police (PNP) ang pagsuyod sa mga taniman ng marijuana sa Benguet at Kalinga.
Sa ulat kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, binunot at sinunog ng pulisya ang 8,760 piraso ng fully-grown marijuana plants at 48 piraso ng marijuana seedlings sa pitong taniman sa Barangay Badeo, Kibungan, Benguet.
Nagkakahalaga ito ng mahigit 1.7 milyong piso.
Habang binunot at sinunog din ang nasa 13,000 piraso ng fully-grown marijuana plants na nagkakahalaga ng mahigit 2.6 milyong piso sa Barangay Lacnog, Tabuk City, Kalinga.
Wala namang marijuana cultivator ang nahuli ng magkahiwalay na operasyon.
Pinuri naman ni Carlos ang kanilang mga tauhan sa pagsisikap na labanan ang iligal na droga at tiniyak na patuloy na tutugisin ang mga nasa likod nito.