Motor riders ng Cebu, hinihimok na maging miyembro ng Pag-IBIG

Motor riders ng Cebu, hinihimok na maging miyembro ng Pag-IBIG

HINIMOK ng Pag-IBIG na maging miyembro ang daan-daang mga delivery riders sa Cebu nitong Hunyo 7, 2023 sa inilunsad na Pag-IBIG Asenso Riders Raffle Promo.

Bago ang opisyal na paglunsad ng Pag-IBIG Asenso Riders Raffle Promo sa Cebu, isang motorcade ang isinagawa sa siyudad kasama ang ilang mga matataas na opisyales ng Pag-IBIG, mga kinatawan ng transport network at app-based courier companies tulad ng Angkas, Food Panda, Grab, Lalamove at Move It.

Layon ng programa na mahikayat ang delivery riders na maging miyembro ng Pag-IBIG.

Sa bawat raffle entry sa Asenso Risers Raffle Promo ay awtomatikong miyembro na ng Pag-IBIG ang mga riders.

Kailangan lang na ipagpatuloy ang paghuhulog nito upang tuluyan nang maging active member.

Iginiit naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, na importante na maging miyembro ang riders dahil makatutulong ito sa kanilang pangangailangan pagdating ng panahon.

 “Pag may ipon ka, meron ‘kang makakautang para sa oras ng pangangailangan. May ipon ka, makakautang ka may interest yun pero ‘yung ipon mo ay mayroon ding dividendo… yung mga iniipon niyo sa Pag-IBIG Fund ay mayroon dividend dahil kayo na mag-miyembro ng Pag-IBIG Fund ang may ari ng pondo,”  ayon kay Marilene C. Acosta, Chief Executive Officer, Pag-IBIG Fund.

Dagdag pa ni Acosta, makatutulong ang Pag-Ibig sa mga miyembro nito na tuparin ang minimithing bahay para sa pamilya.

“At kung ikaw ay isang Pag-IBIG Fund member, may pagkakataon kang makahiram ng maipagbibili sa mga housing unit na itatayo sa Pambansang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino Program (4PH), makakaasa po kayong lahat na kasama ko kayo sa mga plano ng Pag-iBIG Fund, ulitin ko po, yan ang dahilan kung bakit kami narito ngayon, ang mabigyan kayo ng pagkakataon na magkaroon ng ipon, ipon sa Pag-IBIG at magkaroon ng desente at abot-kayang pabahay para sa inyo at para sa inyong mga pamilya,” ani Acosta.

Tinatayang mayroong humigit-kumulang na 420,000 delivery riders sa buong bansa. At inaasahan ng ahensiya na sa Pag-IBIG Asenso Rider Raffle Promo, maraming mga rider sa bansa ang mahihikayat pa na maging miyembro ng Pag-IBIG.

Ayon naman kay Julius dela Cerna, isang rider, nagpapasalamat ito sa Pag-IBIG dahil sa raffle promo at kaagad naging miyembro ito ng Pag-IBIG.

 “Salamat sa Pag-IBIG, dahil sa promo naging miyembro kaagad ako, nais ko itong ipagpatuloy dahil nais kong magkabahay para sa aking pamilya,” ayon kay Julius dela Cerna, Delivery Rider.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 15.32 milyong mga Pilipinong manggagawa ang active Pag-IBIG members, pinakamataas na tala ng ahensiya simula noong pandemic.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter