Sa Pampanga, arestado ang isang municipal engineer sa isang entrapment operation matapos umano’y manghingi ng P50,000 mula sa isang residente kapalit ng hindi pagpapasara sa bodega nito.
Nahuli ang suspek bandang alas-3:45 ng hapon noong Miyerkules, Nobyembre 4, sa loob mismo ng engineering office sa San Simon Municipal Hall.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group matapos humingi ng tulong ang nagrereklamong residente.
Ayon sa pulisya, hiningi umano ng suspek ang nasabing halaga at nagbanta na ipapasara ang bodega ng residente kung hindi ito magbabayad.
Nakatakdang maharap ng suspek ang kasong extortion at iba pang kaugnay na paglabag sa batas.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang nabiktima o kahalintulad na insidenteng kinasasangkutan ng nasabing tanggapan.
